Lunes, Hulyo 18, 2022

Upos

UPOS

parang kandila pag sinindihan
upang hititin ng nagninilay
mamaya'y liliit ng tuluyan
ang yosing may kasiyahang bigay

ang natirang ipit ng daliri'y
sa kung saan na lang ipinitik
sa daan, pasilyo, di mawari't
ginawa ng buong pagkasabik

ah, matapos sunugin ang baga't
paliparin ang usok sa hangin
at itaktak ang titis sa lupa
ginhawa'y panandalian man din

ikinalat na upos sa daan
ay salamin ng ating lipunan

- gregoriovbituinjr.
07.18.2022

Tsismis ay alimuom

TSISMIS AY ALIMUOM

tsismis ay alimuom, anang Rio Alma
sa isang sanaysay niyang aking nabasa
na iniulat naman ni Ambeth Ocampo
na sa ngayon ay binabanatan nang todo

mas matindi pa raw sa pakpak ng balita
yaong alimuom, sabi pa ng makata
singaw galing sa lupa matapos ang ambon
o ulan, tsismis ay lumitaw ding ganoon

historya'y tsismis daw, anang isang Ella Cruz
tila ba turo sa paaralan ay kapos
dapat sa historya'y may fact check at batayan
di basta narinig, iyon na'y kasaysayan

ah, dalawang iyon ay dapat pag-ibahin
di tsismis ang kasaysayan ng bayan natin
maraming dapat gawin kung ganyan ang batid
ng henerasyon ngayon, kilos na, kapatid

- gregoriovbituinjr.
07.18.2022

Talasalitaan:
* alimuom - singaw na galing sa lupa pagkatapos ng ulan o ambon, mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, p. 34
* tsismis - mula sa Espanyol na chismes, kaswal na usapan o balita hinggil sa ibang tao, karaniwang kaugnay ng mga detalyeng hindi kumpirmadong totoo, UPDF, p. 1279

Kwentong lango

KWENTONG LANGO
tulang TAGAIKU (TAnaGA at haIKU)

i

"tagay pa, cheers, amigo!
magpakalango tayo!"
sabi ng lasenggero
sa katotong lasenggo

isip ay tikom
balewala ang gutom
basta may inom

ii

habang serbesa'y lasap
di siya kumukurap
na nilunod sa iglap
ang problemang kaharap

sugat ma'y antak
simot ang huling patak
ng nilalaklak

- gregoriovbituinjr.
07.18.2022