Sabado, Mayo 13, 2023

Tugon ko sa tanong ni Doc Ben

TUGON KO SA TANONG NI DOC BEN

"Anong karapatan mong magretiro't magpahinga
sa bawat laban para sa kagalingan ng masa
na para kumain, nangangalakal ng basura
pang-almusal, tanghalian, hapunan ng pamilya?"

napaisip agad ako sa kanyang simpleng tanong
at nais kong magbigay ng napag-isipang tugon
magretiro sa laban ay wala sa isip ngayon
pagkat retiro ko'y pag sa lupa na nakabaon

dahil ang paglilingkod sa masa'y hindi karera
na pagdating ng edad sisenta'y retirado na
baka magretiro lang pag nabago ang sistema
at nakuha ang kapangyarihang pampulitika

hangga't may mga uri at pribadong pag-aari
na sa laksang kahirapan sa mundo'y siyang sanhi
asahan mong sa pakikibaka'y mananatili
aktibistang Spartan tulad ko'y nais magwagi

ipanalo ang asam na lipunang makatao
lipunang patas, bawat isa'y nagpapakatao
kung ang rebolusyon natin ay di pa nananalo
asahang retiro ay wala sa bokabularyo

- gregoriovbituinjr.
05.13.2023

Dapat walang hari sa ating alamat

DAPAT WALANG HARI SA ATING ALAMAT

kayrami nang hari / sa mga alamat
gayong walang haring / sa bansa'y nagbuhat
hari'y pawiin na / sa maraming aklat
merong datu't rahang / dapat maisulat

tayo'y lumaki na / sa ganyang imbento
na unang panahon / ay mayroon nito
baka nahalina / sa kwento ng dayo
sadyang mentalidad / kolonyal pa ito

wala namang hari / sa bayan kong gipit
sa mga alamat / ay inulit-ulit
para bang banyaga / sa kwento'y umukit
gayong walang hari / kahit pa mabait

kamakailan lang, / hari'y pinutungan
na sa Inglatera'y / may hari na naman
subalit sa ating / bansa'y walang ganyan
wala tayong hari / sa sariling bayan

kaya ang isulat / sa kwento't pabula
ay datu at raha / na meron sa bansa
o kulturang lumad / sa kwentong pambata
kasaysayan nati'y / balikan ding sadya

- gregoriovbituinjr.
05.13.2023

Tahong

TAHONG

kaysarap naman ng kanyang tahong
na niluto, napakalinamnam
tagos sa puso, wala nang tanong
kung paano nilutong kay-inam

tiyak ako'y mabubusog muli
sa nilatag sa hapag-kainan
masarap na naman ang tanghali
at kami rito'y magkakainan

wala akong masabi sa luto
na tanging makakapagsalita
ay gutom na tiyang nasiphayo
at itong lalamunan at dila

salamat talaga sa tahong mo
sadyang malasa nang kinain ko

- gregoriovbituinjr.
05.13.2023

Microplastics sa Metro Manila

MICROPLASTICS SA METRO MANILA

meron na raw microplastics sa hangin
sa Metro Manila, anong gagawin
batay iyan sa ginawang aralin
na di natin dapat balewalain

ang ganyang balita'y kahindik-hindik
ang buhay na natin ay patiwarik
napalibutan na ng microplastic
baka sa ating mata'y magpatirik

may dapat gawin, di lang ang gobyerno
dapat may partisipasyon ang tao
upang malutas ang problemang ito
di madamay ang anak mo't apo ko

ang dulot nito'y panganib talaga
lalo na sa mga nasa kalsada
nagwawalis, ang vendor, motorista
pasahero, nagtatrapik, ang masa

sinong problema kung tanunging bakit
suliranin muna'y lutasing pilit
isa ang facemask sa dapat magamit
nang di na lumala pa't magkasakit

- gregoriovbituinjr.
05.13.2023

Ang mga kuting

ANG MGA KUTING

kaysarap masdan ng mga kuting
balahibo pa'y haplus-haplusin
hayaan muna silang maglaro
subukan kaya nilang maligo

subalit baka naman sipunin
at sila'y magalit lang sa akin
ah, hayaan na silang maglaro
at matutulog din pag nahapo

- gregoriovbituinjr.
05.13.2023