Lunes, Hulyo 28, 2025

Ang People's SONA

ANG PEOPLE'S SONA

taun-taon na lang, naroon sa kalsada
kung baga'y isa itong tungkulin talaga
magsulat, mag-ulat, magmulat, magprotesta
at sabihin ang totoong lagay ng masa

ang serbisyo ay dapat di ninenegosyo
kilanling ganap ang karapatang pantao
tuligsa sa katiwalian sa gobyerno
lider ay makipagkapwa't magpakatao

di dapat maghari'y maperang negosyante
o kapitalista kundi mga pesante
uring manggagawa, kabataan, babae
labanan ang dinastiya't trapong salbahe

nais kasi naming mabago ang sistema
kung saan ay wala nang pagsasamantala
sistemang kontraktwalisasyon ay wala na
ang pampublikong pabahay ay mangyari na

buti pa'y pag-aralan natin ang lipunan
tanungin bakit may mahirap at mayaman
mula rito, paglingkurang tapat ang bayan
upang gobyerno ng masa'y matayo naman

- gregoriovbituinjr.
07.28.2025

* bidyo kuha ng makatang gala na mapapanood sa kawing na: 

Talumpati ng KPML sa People's SONA

TALUMPATI SA PEOPLE'S SONA

inaasahan nilang ang handog ko'y tula
subalit tinalakay ko'y isyu ng dukha
hawak ang mikropono'y aking binalita
ang bagong batas na tatama sa dalita

kung sa UDHA ay tatlumpung araw ang notice
bago maralita'y tuluyang mapaalis
sa N.H.A. Act, sampung araw lang ang notice
ahensya'y may police power nang magdemolis

noon, 4PH ang ipinangalandakan
sa ngalan ng dukha nitong pamahalaan
para pala sa may payslip at Pag-ibig 'yan
napagtanto nilang pambobola na naman

matapos magsalita, pagbaba ko sa trak
ilang lider agad sa akin kumausap
talakayan sa isyu'y inihandang ganap
sa bagong batas, dalita'y mapapahamak

minsan nga sa sarili'y naitatanong ko
ganito na nga ba ako kaepektibo?
o tatamaan sila sa nasabing isyu?
salamat, sa masa'y nailinaw ko ito

- gregoriovbituinjr.
07.28.2025

* ang RA 12216 (National Housing Authority Act o NHA Act of 2025) ay naisabatas noong Mayo 29, 2025
* di ko malitratuhan o mabidyuhan ang sarili sa pagtatalumpati, kaya narito'y bidyo ko habang nagwawagayway ng bandila ang iba't ibang samahang lumahok sa People's SONA
* nagsalita ako bilang sekretaryo heneral ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML)
* mapapanood ang munting bidyo sa kawing na: https://www.facebook.com/share/v/1F7YdSan7y/ 

Nadapa sa rali

NADAPA SA RALI

noon, sa rali ay di ako nadadapâ
maghabulan man, nang ako pa'y bata-batâ
ngayon, naapakan ang streamer, nadapâ
nanghina ba o matanda na akong sadya?

nakiisa ako sa maraming tumangan
ng mahabang streamer, hanggang maapakan
iyon, nadapa, kanilang inalalayan
maraming salamat sa mga kasamahan

napagitnaan pa ng dalawang pangulo
isa'y sa maralita, isa'y sa obrero
na tangan ang streamer nang nadapa ako
buti't umalalay naman silang totoo

tingin ng iba, ako'y nahilo sa rali
iba'y nagtanong kung lagay ko ba'y mabuti
okay na ako, ang tangi ko lang nasabi
minsan, ganyan pala'y talagang nangyayari

ang kanang tuhod ng pantalon ay may gasgas
pag-uwi ng bahay ay aking napagmalas
kanan at kaliwang tuhod din ay may gasgas
nilagay ko'y alkohol at pangunang lunas

ramdam ay hiya ng aktibistang Spartan
na di naging listo sa ganoong lakaran
sa harap kasama'y kapwa lider pa naman
ay, dapat isipin sariling kalusugan

- gregoriovbituinjr.
07.28.2025