Biyernes, Mayo 20, 2016

Mananatiling hungkag iyang kaunlaran

mananatiling hungkag iyang kaunlaran
hangga't may mga dukha sa ating lipunan
hangga't may pulubing palaboy sa lansangan
hangga't manggagawa'y lubog sa kahirapan
hangga't etsapuwera itong mamamayan
hangga't ang ilan ay naghahari-harian
at nagpapasasa lang sa yaman ng bayan
ay elitista't kapitalistang gahaman

- gregbituinjr.

Walang magawa sa buhay na kalunos-lunos

pag may pulubing sa lansangan ay namamalimos
tiyak gubyernong namamahala'y mapambusabos
pag walang magawa sa buhay na kalunos-lunos
ang ganitong gobyerno'y dapat palitan nang lubos

- gregbituinjr.

Tulad siya ng isang ligaw na diwata

TULAD SIYA NG ISANG LIGAW NA DIWATA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

tulad siya ng isang ligaw na diwata
na roon sa kalunsuran nagpagunita
ng pagsintang pawang ibinuhos ay luha
ng dating kalapating sadyang minumutya

aking niligawan ang ligaw na diwata
pagkat naakit sa ngiti't kay-among mukha
ngunit kay-ilap niya't puso ko'y namutla
tila hiniwa't sakit ay aking ininda

may sumpa bang dala ang ligaw na diwata
kaya panliligaw ko'y kanyang sinusumpa
kaligayahan ba sa kanya'y mapapala
ah, mababatid lang kung patuloy sa sadya

di ako susuko sa ligaw na diwata
bakasakaling kamtin ang ligaya't tuwa