Linggo, Mayo 23, 2010

Ampon ng Kapayapaan

AMPON NG KAPAYAPAAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

marami nang natupok ng apoy ng digma
di na makagulapay sa hirap at luha
ngunit umaasam pa ng diwang payapa
at mapigilan na ang digmang mapanira

pamilya'y nangamatay, maraming nasindak
sa salimbayang bala'y gumapang sa lusak
kayraming nawalan ng ama, ina, anak
sa digmaang sadyang sa atin nagpahamak

kaya marami silang nais magpaampon
kung saan may kapayapaang nakakulong
kapayapaang ang paglaya ay paghamon
di sa lakas ng sigaw, kundi ng pagbulong

kailangang mag-usap yaong magkalaban
upang sila-sila ay magkaunawaan
upang iyang digmaang walang katuturan
ay matigil na tungo sa kapayapaan

"magpapaampon kami sa payapang mundo
at lalayo kami sa digmaang magulo,
maari bang kami nama'y pagbigyan ninyo"
sigaw ng mga nadamay sa gerang ito

Tinatawag Kaming Subersibo

TINATAWAG KAMING SUBERSIBO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

tinatawag kaming subersibo
ng maka-elitistang gobyerno
nais daw naming ibagsak ito
gayong ang nais naming totoo
ay isang tunay na pagbabago

subersibo pala kami dahil
ayaw namin ng pulos hilahil
ayaw sa sistemang mapaniil
sa karapatan ay mapanupil
na ninanais naming matigil

tama lang na maging subersibo
para sa kabutihan ng tao
pagkat tayo'y nagiging aktibo
at mapagsuri sa mundong ito
imbes na tayo'y maging pasibo

maging subersibo ba'y masama
gayong ang nasa'y mapagpalaya
tangan nami'y sosyalistang diwa
pagpawi ng uri ang adhika
sa lipunang makamaralita

wasto lamang maging subersibo
kaysa naman ang maging pasibo
na walang pakialam sa isyu
na apektado ang pagkatao
at dangal ng ating kapwa rito