Sabado, Marso 26, 2022

Tula sa Earth Hour

TULA SA EARTH HOUR

nagpatay kami ng ilaw ngayon
dahil Earth Hour, mabuting layon
kaisa sa panawagang iyon
nakiisa sa magandang misyon

na sa pamamagitan ng dilim
maunawaan natin ang lalim
ng kalikasang animo'y lagim
pagkasirang nakaririmarim

imulat natin ang ating mata
upang kalikasan ay isalba
nagpabago-bago na ang klima
ang tao ba'y may magagawa pa

buksan din natin ang ating bibig
upang mapanira ay mausig
halina't tayo'y magkapitbisig
at iligtas ang ating daigdig

- gregoriovbituinjr.
03.26.2022

* litrato mula sa google

Lakas ng bisig

LAKAS NG BISIG

Manggagawa, binubuhay n'yo'y buong daigdigan
nilikha't pinaunlad ang ekonomya ng bayan
gumawa ng mga tulay, gusali, paaralan
highway, Senado, Kongreso, Simbahan, Malakanyang

Manggagawa, may kaunlaran nang dahil sa inyo
ngunit nagsisilbi sa mapagsamantalang amo
kulang sa pamilya ang sahod, kaybaba ng sweldo
gayong lipunan at bansa ang pinaunlad ninyo

tulad ng magsasaka, sa pawis ninyo nanggaling
ang ekonomya ng bansa at kinakain namin
subalit kayong Manggagawa'y naghihirap pa rin
dapat sarili n'yo'y tubusin sa pagkaalipin

kung wala kayong Manggagawa ay walang pag-unlad
ang sistemang kapitalismo'y sadyang di uusad
Manggagawa ang bayani, nagbigay ng dignidad
nagpaunlad ng daigdigan, ng bansa, ng syudad

Manggagawa, salamat sa lakas ng inyong bisig
subalit kapitalismo'y dapat nating malupig
tagapamandila ng sistemang ito'y mausig
pagkat mundong ito'y sa inyong nawalan ng tinig

- gregoriovbituinjr.
03.26.2022

Espasyong ligtas

ESPASYONG LIGTAS

espasyong ligtas ba ang M.R.T.
sa mga ginang at binibini
laban sa tarantado't salbahe
na kung makatingin ay buwitre
parang lalapain ang babae

buti't M.R.T.'y may paalala
na doon ay ipinaskil nila
Safe Spaces Act, tandaan mo na
sa text, facebook, saanmang lugar pa
bawal ang pambabastos talaga

salamat sa M.R.T. sa paskil
paalalang dapat magsitigil
ang sa social media'y nanggigigil
sa M.R.T. mismo'y di magpigil
sa kanilang libog, dagta't pangil

nais natin ng espasyong ligtas
kung saan wala nang mandarahas
mandarambong, trapong sukab, hudas
kundi lipunang pantay, parehas
na namumuhay tayo ng patas

- gregoriovbituinjr.
03.26.2022

* litratong kuha ng makatang gala habang nag-aabang ng tren sa M.R.T.

Pusang himbing

PUSANG HIMBING

tinitigan ko ang pusang iyon
sa pagkahigang parang nilulon
ng animo'y dambuhalang dragon
sa bayang paglaya'y sinusulong

pusang buntis na himbing na himbing
baka pagod, mamaya gigising
pag kumagat na ang takipsilim
muli'y maghanap ng makakain

himbing sa ilalim ng sasakyan
tila malalim ang panagimpan
ano kayang kanyang pakiramdam?
himbing sa panahong kainitan

nahimbing dahil sa pagkabusog?
pagkakain ay agad natulog?
napagod sa pagpanhik-panaog?
nanaginip kasama ang irog?

katanghaliang tapat umidlip
ang pusang buntis na di malirip
pabiling-biling, anong nalirip?
kuting sana'y di mahagip ng dyip

- gregoriovbituinjr.
03.26.2022

Ang takot sa debate

ANG TAKOT SA DEBATE

di kayang makipagdebate ng utak-diktador
magdikta lang ang alam ng kupal na horrorable
sasapitin ng masa sa kanila'y pulos trobol
anong gusto'y gagawin, que barbaridad, que horror

di kayang makipagdebate nilang mga kupal
na nasanay mamuno sa paraang diktaduryal
tulad ng kanilang amang sa bayan ay garapal
naku! kawawa ang bayan pag sila ang nahalal!

dahil sa debate makikita kung sino sila
kung karapat-dapat ba silang mamuno sa masa
subalit kung laging absent sa debate, alam na
aba'y mahahalata ang pagiging bugok nila

dahil maging diktador ang alam sa pamumuno
gayong ayaw ng tao sa ganyang klaseng pinuno
bentador ng bayan, berdugo ng masa, hunyango
di dapat iboto ang ganyang sukab at palalo

- gregoriovbituinjr.
03.25.2022