Sabado, Abril 18, 2020

Ang kalabang di nakikita

ANG KALABANG DI NAKIKITA

parang "Predator", ang kalabang di natin makita
pumapaslang tulad ng COVID na nananalasa
tanging magagawa raw sa ngayon ay kwarantina
habang kayraming frontliner yaong nangamatay na

paano ba sasagupain ang kalabang ito
di mo siya makita't nananalasa ng todo
ni di mo nga maasinta ang bungo niya't noo
kahit sanlibong isnayper ay di masipat ito

dahil kakaiba ang kasalukuyang digmaan
di nakikita ang "Predator" sa bahay, sa daan
di masubaybayan kung sila'y nasa pamayanan
o baka sila'y nasa ospital ng bayan-bayan

layuan ang mga ospital, baka naroroon
ang mga "Predator" kaya may namamatay doon
di kaya ng ngitngit mo lang ay mapupulbos iyon
gamitin ang talino laban sa kalabang yaon

di habang panahong mabubuhay tayo sa horror
halina't magtulungan tayo laban sa Predator
tulad ng pagpapabagsak ng masa sa diktador
ang makasama sa pagkilos ay isa nang honor

- gregbituinjr.

Ako'y aktibistang sira-sira man ang sapatos

Ako'y aktibistang sira-sira man ang sapatos

ako'y aktibistang sira-sira man ang sapatos
ay patuloy sa paglalakad kahit nagpapaltos
kaunting barya'y sa kaunting tinapay inubos
nag-iisip saan muli kukuha ng panggastos

mabilis ang hakbang patungo sa isang pagkilos
upang batikusin ang sistemang mapambusabos
na mga naghihirap ay tatangkaing maubos
at sa dibdib ng manggagawa't dukha'y umuulos

malayo man ang lakbayin ay di dapat pumaltos
mararating ang pupuntahan, nawa'y makaraos
habang mga kasama'y patuloy sa pagbatikos
lalo na't ang namumuno pa'y isang haring bastos

na pag napikon ay nagmamaktol na parang musmos
na pag napagdiskitahan ka'y agad mag-uutos
paslangin na ang tarantadong iyang buhay-kapos
wastong proseso't karapatan nga'y dumadausdos

maraming buhay na'y naubos, ah, kalunos-lunos
subalit karamihan ay pawang naghihikahos
pagkat sa bulok na sistema tayo'y nakagapos
habang ang burgesya'y laging piging ang dinaraos

- gregbituinjr.

Sa daang matinik ng buhay

"Sa daang matinik ng buhay, lalaki ang siyang patnugot ng asawa at mga anak; kung ang umaakay ay tungo sa sama, ang pagtutunguhan ng inaakay ay kasamaan din." 
~ mula sa Kartilya ng Katipunan

lalaki ang patnugot ng asawa't mga anak
anang Kartilya upang pamilya'y di mapahamak
ama ang haligi ng tahanan at ng mag-anak
siya't tagaakay upang di malubog sa lubak

ngunit sa ating panahon ngayon, di na lang ama
binigyan na ng malaking papel ang mga ina
tagaalaga ng anak, kusinera, maestra
sila'y ilaw ng tahanan, nasa trabaho'y ama

sa daang matinik ng buhay, dapat magtulungan
upang ginhawa'y kamtin, di gaanong mahirapan 
ito'y payo't bilin sa Kartilya ng Katipunan
basahin at isapuso ang bawat nilalaman

mabuhay kayong aming nagisnang mga magulang
inalagaan ninyo kami mula nang isilang
tumanda na kayo't payo ninyo'y iginagalang
upang sa tinahak na landas, kami'y makinabang

- gregbituinjr.

Ako'y bato tulad ni Vasily Zaitsev

AKO'Y BATO TULAD NI VASILY ZAITSEV

ako'y bato tulad ni Vasily Zaitsev
matang apoy kung sa largabista'y sumilip
puntirya n'ya'y kalaban, di siya nadakip
habang si Tanya ang sa puso'y halukipkip

si Vasily Zaitsev ay kawal na Rusyan
noong ikalawang daigdigang digmaan
asintadong sumipat pag riple na'y tangan
ang puntirya'y ulo ng kalabang Aleman

iyon sa "Enemy at The Gates" ay istorya
batay sa kasaysayan yaong pelikula
sa simula'y tinuruan ng kanyang ama
mabangis na hayop ang kanyang inasinta

"ako'y bato", sabi ni Vasily Zaitsev
habang mabangis na lobo'y naninibasib
"ako'y bato", sabi ko sa pook na liblib
habang nag-iingat din baka may panganib

siya'y idolo ng katulad kong makata
may puntirya siya't ako ring tumutula
asintado siya't ako rin sa pagkatha
target n'ya'y kalaban, ako'y puso ng madla

- gregbituinjr.

* Vasily Grigoryevich Zaitsev was a Soviet sniper during World War II. Prior to 10 November 1942, he killed 32 Axis soldiers with a standard-issue rifle. Between 10 November 1942 and 17 December 1942, during the Battle of Stalingrad, he killed 225 enemy soldiers, including 11 snipers. Wikipedia