Huwebes, Setyembre 18, 2025

Pangarap ko'y sa laban mamatay

PANGARAP KO'Y SA LABAN MAMATAY

sakaling ako'y biglang mamatay
ayokong mamatay lang sa sakit
nais kong sa laban humandusay
binira, binara, o binaril

halimbawa, nabasag ang mukha
nagkabatuhan sa demolisyon
sa pakikibaka'y bumulagta
dahil tinutupad ko ang misyon

ayokong mamatay lang sa banig
ng karamdaman, ako'y tatayo
habang nakikipagkapitbisig
sa masang sa hirap na'y siphayo

nais kong matulad kay Eurytus
na buhay ay sa laban nagwakas
di matulad kay Aristodemus
na tumalima lamang sa atas

sabi, kapwa sila pinauwi
ni Leonidas dahil sa sakit
sa mata, sa harap ng tunggali
sa Thermopylae, sandata'y sukbit

sa historya, sila'y naging tanyag
si Eurytus ay naging bayani
si Aristodemus nama'y duwag
ako naman sa masa'y nagsilbi

- gregoriovbituinjr.
09.18.2025

Ang birthday wish ni Kara David

ANG BIRTHDAY WISH NI KARA DAVID

"Sana mamatay lahat ng kurakot
sa Pilipinas", iyan ang birthday day wish
ni Kara David sa mga asungot
na trapong sa kabang bayan nangupit

ng bilyon kung hindi man trilyon-trilyon
na buti't nabisto dahil sa baha
ano bang nangyari't sa simpleng ambon
tatlumpung segundo lang ay nagbaha

marahil ay biglang nabanggit iyon
sa kanyang birthday nang tanunging sadyâ
"anong birthday wish mo?" at nagkataon
ang nabanggit niya'y wish din ng madlâ

nabisto'y kasi'y ghost flood control projects
bilyon-bilyong piso sa dokumento
ngunit pondo'y sa bulsa isiniksik
ay, guniguni pala ang proyekto

kaya binabaha ang mamamayan
sa munting ambong tatlumpung segundo
kay Kara, maligayang kaarawan
sana nga'y matupad ang birthday wish mo

- gregoriovbituinjr.
09.18.2025

* litrato mula sa fb
* ika-52ng kaarawan ni Kara David noong Setyembre 12

Ang librong U.G.

ANG LIBRONG U.G.

may aklat akong
hangad basahin
pagkat nais kong 
natala'y damhin

nais mabatid
ang talambuhay
ng isang lider
bago mapatay

na mahalaga'y 
ating malaman
bakit ba siya'y 
nakipaglaban

kanyang prinsipyo'y
bagang nagningas
na sa tulad ko'y
handâ sa bukas

nasabing aklat
mabili sana
subalit salat
ang aking bulsa

pag-iipunan
itong totoo
collector's item
sa aklatan ko

- gregoriovbituinjr.
09.18.2025

* kuha sa booth ng Anvil Publishing sa Manila International Book Fair 2025