Miyerkules, Pebrero 15, 2023

Pagtatasa

PAGTATASA

munting pagtatasa matapos ang hapunan
gamit ang megaphone ay nagkatalakayan
may mga mungkahi't ilang problema naman
mabuti't nagsabi, nabigyang kalutasan

sinabi ang nadama, walang hinanakit
malinaw naman ang adhikain kung bakit
kaya pang lumakad, paa man ay sumakit
dahil may paninindigang dapat igiit

mabubuti naman ang mga payo't puna
ang huwag tumawid sa kabilang kalsada
sakali mang may matapilok, magpahinga
alas-dos ng madaling araw, maligo na

maghanda na ng alaxan at gamot ngayon
mahaba pa ang lakad bukas at maghapon
ihanda rin ang sumbrero pati na payong
na minungkahi sa mga nais tumulong

naroon kaming nagkakaisang tumindig
upang sa madla'y ipakitang kapitbisig
simpatya ng publiko sa isyu'y mahamig
doon kami binigyan ng tigisang banig

may mga tsinelas din daw na ibibigay
huwag ding lumabas sa lubid, nasa hanay
sa mga senyor na pagod, pwedeng sumakay
ikasiyam ng gabi'y natapos itong tunay

- gregoriovbituinjr.
02.15.2023
* kinatha sa gabi ng Alay-Lakad Laban sa Kaliwa Dam habang nagpapahinga sa covered court ng Brgy. Cawayan, Real, Quezon

Sa biglaang pag-ulan

SA BIGLAANG PAG-ULAN

habang naglalakad ay biglang bumuhos ang ulan 
ngunit wala kaming kapote o payong man lamang
basang-basa ang buong martsa't walang masilungan
sa Barangay Kiloloron na kami inabutan

ang mahabang manggas na polo ng aking katabi
ay binalabal sa akin ng matandang babae
marahil, akala'y katribu't sama-sama kami
sa sakripisyo upang maparating ang mensahe

balabal ay binalik ko nang inabot sa akin
ang isang dahon ng saging na ipinayong namin
isang babae'y nagbigay ng plastic bag na itim
upang aking sukbit na bag ay agad kong balutin

upang di mabasa ng ulan, hanggang sa tumila
dalawang katutubong talagang kahanga-hanga
dalawang may magagandang puso, sadyang dakila
salamat po, di ko malilimot ang inyong gawa

- gregoriovbituinjr.
02.15.2023
* kinatha sa gabi ng Alay-Lakad Laban sa Kaliwa Dam habang nagpapahinga sa covered court ng Brgy. Cawayan, Real, Quezon

Simula ng lakad

SIMULA NG LAKAD

mula Sulok sa General Nakar na'y nag-umpisa
ang aming paglalakad, ikapito ng umaga
mga lider-katutubo ang siyang nangunguna
sa simbahan ng Nakar, dumalo muna ng misa

nagpatuloy ang lakad hanggang bayan ng Infanta
sa isang basketball court kami'y nagsitigil muna
umupo at nakinig sa inihandang programa
maiinit na talumpati'y sadyang madarama

matapos iyon, nananghalian na't nagpahinga
bandang alas-dos ng hapon muli kaming lumarga
tangan ang adhikaing magtatagumpay ang masa
na proyektong Kaliwa Dam ay matigil talaga

- gregoriovbituinjr.
02.15.2023
* kinatha sa gabi ng Alay-Lakad Laban sa Kaliwa Dam habang nagpapahinga sa covered court ng Brgy. Cawayan, Real, Quezon

Madaling Araw sa Sulok

MADALING ARAW SA SULOK

naalimpungatan / sa madaling araw
doon sa aplaya'y / sadyang anong ginaw
ang papayang buwan / pala'y nakalitaw
tunay siyang gabay / sa amin tumanglaw

tila baga isang / payapang lakaran
ang kakaharapin / kundi man labanan
upang ipagtanggol / yaong kalupaan 
para sa kanila / ring kinabukasan

dinig ang ragasa / ng alon sa dagat
habang may ilan nang / gising at nagmulat
ramdam ang amihan / o baka habagat
tila nagbabadyang / tayo ay mag-ingat

kay-agang natulog / bandang alas-nwebe
alas-tres na'y gising, / kami na'y nagkape

- gregoriovbituinjr
02.15.2023 3:07am
* kinatha ng makatang gala habang nagpapahinga sa Sitio Sulok