Lunes, Oktubre 6, 2025

Guyabano juice

GUYABANO TEA

dahon ng guyabano
at mainit na tubig
paghaluin lang ito
nang lumakas ang bisig

at buo mong kalamnan
na ang lasa'y kaysarap
tanim lang sa bakuran
di na ako naghanap

guyabano na'y tsaa
inumin nang lumusog
paggising sa umaga
o bago ka matulog

tikman, guyabano tea
madaramang lalakas
at di ka magsisisi
kalusugan mo'y wagas

- gregoriovbituinjr.
10.06.2025

Ako'y raliyista

AKO'Y RALIYISTA 

ako'y talagang raliyista
ng higit nang tatlong dekada
na laging laman ng kalsada
patuloy na nakikibaka
upang baguhin ang sistema

magbabago pa ngâ ba ako?
sistema'y binabago ako?
o sistema'y dapat mabago?
hustisya sana ang matamo
ng dukha't ng uring obrero

itatag ang lipunang patas,
may pagkakapantay, parehas
ikulong ang burgesyang hudas,
oligarkiyang talipandas,
dinastiya'y dapat magwakas

tulad kong tibak na Spartan
ay patuloy na lalabanan
ang mga mali't kabulukan 
upang makataong lipunan
ay maitatag nang tuluyan

- gregoriovbituinjr.
10.06.2025

Puna ni Marcelo

PUNA NI MARCELO

anong tinding puna ni kasamang Marcelo
na tanda ko pa't tagos sa diwa't pusò ko
"bakit di ka nila-like ng kolektibo mo?"
punang yumanig sa buo kong pagkatao

noon nama'y di ko iyon iniintindi
katha lang ng katha, sa pagkilos nawili
ngayon lang natantong wala akong kakampi
dumaan ang birthday, wala silang nasabi

ngunit sila'y akin pa ring inuunawà
kaya ganyan sila'y ako rin ang maysalà
kasi ako'y di nila kaututang-dilà
kasi ako'y laging abala sa pagkathâ

salamat, Marcelo, manggagawa sa Rizal
tunay kang kapatid sa rebolusyo't dangal
puna mo'y tama't humihiwang tila punyal
sa pusong nagdugo na't tila ba napigtal

puna mo'y bumaon ng kalalim-laliman 
sa aking pusò bilang tibak na Spartan 
simpleng tanong na sumugat sa katauhan
ito'y punang dadalhin ko hanggang libingan 

- gregoriovbituinjr.
10.06.2025