Biyernes, Pebrero 11, 2022

Sagipin ang daigdig

SAGIPIN ANG DAIGDIG

nasaan na ang tinig
ng panggabing kuliglig
di na sila marinig
sa aba kong daigdig

kalbo ang kabundukan
sanhi raw ay minahan
puno sa kagubatan
pinutol nang tuluyan

kaya maitatanong
ano bang nilalayon
anong isinusulong
kung masa'y nilalamon

kaygandang daigdigan
ay ginawang gatasan
bakit ba kalikasan
ay nilalapastangan

na sa ngalan ng tubo
nitong poong hunyango
wawasakin ang mundo
para sa pera't luho

dapat daw pagtubuan
ang mga kagubatan
buhay ng kalikasan
ay pagkakaperahan

hangga't kapitalismo
ang sistema sa mundo
ay lalamunin tayo
hanggang sa mga apo

pakinggan n'yo ang tinig
tayo'y magkapitbisig
sagipin ang daigdig
na puno ng pag-ibig

- gregoriovbituinjr.
02.11.2022

Bisikleta

BISIKLETA

nais kong bumili ng bisikleta
nang magamit ang bike lane sa kalsada
haha, at mali yata ang hinuha
may bike lane dahil may nagbisikleta

pamasahe'y matitipid mo naman
mararating agad ang pupuntahan
mapapalakas ang pangangatawan
pati baga, tuhod, alak-alakan

naglagay ng bike lane para sa masa
na karaniwang tabi ng bangketa
dati wala niyan, ngayon, meron na
na para nga sa nagbibisikleta

sa trapik ay di ka na magtitiis
maiaangkas pa rito si misis
na iyong sinundo mula sa opis
huwag lang magpatakbo ng mabilis

dahil di ka naman nangangarera
di ka rin naman hari ng kalsada
mag-ingat baka makabangga ka pa
kung pinangkarera ang bisikleta

magbisikleta'y magandang diskarte
upang iwas-trapik, nakakalibre
ka pa sa nagmahal nang pamasahe
huwag lang itong tangayin ng bwitre

huwag itong hayaan sa kawatan
at huwag iparking kung saan na lang
bisikleta'y utol at kaibigan
na marapat mo lang na pag-ingatan

- gregoriovbituinjr.
02.11.2022

Buhay ko na ang rali

BUHAY KO NA ANG RALI

tandaan mo, di ako simpleng kasama sa rali
buhay ko na ang rali, kaya sa rali kasali
para akong hinayupak pag nag-absent sa rali
na tungkulin ay di ginagampanan ng mabuti

para akong nananamlay, nawalan ng pag-asa
gayong estudyante pa lang, kasama na ng masa
sa puso, diwa't prinsipyo'y tangan-tangan talaga
ang simpleng pamumuhay, puspusang pakikibaka

sa rali ko natutunan ang iba't ibang isyu
sa mga guro kong lider-maralita't obrero
sa rali ko napapatibay ang angking prinsipyo
bakit dapat itayo ang lipunang makatao

habang nag-oorganisa ng mga maralita
habang tumutulong din sa laban ng manggagawa
pagkat hustisyang panlipunan ang inaadhika
sistemang bulok ay mapalitan, mapawing sadya

kaya rali'y paaralan kong kinasasabikan
maglakad man ng kilo-kilometro sa lansangan
manlagkit man sa pawis ang aking noo't katawan
tuloy ang kilos tungong pagbabago ng lipunan

upang maibagsak ang mapagsamantalang uri
lalo iyang elitista, burgesya, hari't pari
palitan ng matino ang uring mapang-aglahi
ipalit ang lipunang makataong aming mithi

- gregoriovbituinjr.
02.11.2022

* litratong kuha ng makatang gala sa rali sa harap ng Senado, 01.31.2022