HUWAG KANG MAGTAKA KUNG BAKIT DUKHA'Y LUMALABAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod
nagtataka ka pa? akala'y kung sinong mataray?
ang mga dukha man, may dangal at sariling buhay!
kahit katiting ang masaling ay lalabang tunay
kunwari'y nagtataka, nagtataas pa ng kilay
sige nga? ikaw kaya ang matanggalan ng bahay?
ang dukha'y limot na nitong naghaharing sistema
pag malapit na ang halalan, saka naalala
ang dukha sa lipunang ito'y sadyang etsa-pwera
walang karapatan, sa barung-barong man tumira
ngunit may dignidad silang ipaglalaban nila
sinong natanggalan ng bahay ang di magagalit
at sa malayong pook ay itatapon kang pilit
sa gutom at hirap na nga, dukha'y namimilipit
sa ganyang sitwasyon, baliw lamang ang nanlalait
gurang ka na'y di makaunawa, animo'y paslit
sadya bang nakakaunawa ang pamahalaan
kung bakit kayraming dukha at mayamang iilan
o wala talagang pakiramdam ang lingkodbayan
na pagtaboy sa malayo sa dukha'y kamangmangan
iniisip lang ng trapo'y sariling kapakanan
tanggalan ka ng tahanan, ikaw ba'y matutuwa
tiyak hindi, tulad ng dukhang sa hirap kawawa
na pag dinemolis, umuulan ng bato't pana
sinumang tanggalan ng bahay, mayaman o dukha
pilit ipagtatanggol ang tahanang ginigiba
sa hirap ng buhay, matatanggalan pa ng bahay
pinagkakasya na nga lang ang katiting sa buhay
sangkahig, santuka na nga'y lalo pang mapipilay
lingkodbayan ba'y di ang mga ito naninilay
na ang mga dukha'y kapwa tao rin nilang tunay