TINUTURUAN KANG MAG-ISIP, DI LANG ANG SUMUNOD
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod
araw-araw sa pagtuturo sila'y napapagod
upang sa bagong dunong ikaw ay maitaguyod
tinuturuan kang mag-isip, di lang ang sumunod
bagay-bagay ay sinusuri, di basta luluhod
problema'y inaanalisa, di basta tatanghod
taktika'y pinag-aaralan, di basta susugod
ganyan ang mga gurong sa ating mata'y dakila
ginagalugad ang dunong daanan man ng sigwa
upang magbahagi sa mag-aaral habang bata
ganyan ang mga gurong alam nating manggagawa
kaysisipag kahit malatin sa kasasalita
tunay silang uliran sa pagtitiyaga
ano ang agham, pisika, maging aritmetika
pagbuklat ng aklat, pagbibilang at pagbabasa
niyuyugyog nila ang diwa upang magkalasa
asim, pakla't tamis ng paksa'y minamahalaga
paggabay sa mga bata tuwina'y tinatasa
upang maging makulay ang bukas nito't pag-asa
Sabado, Hunyo 18, 2016
Ang tulay sa kinabukasan
ANG TULAY SA KINABUKASAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod
guro ang ating tulay mula kabataan
tungo sa inaasam na kinabukasan
tatahakin anumang bako ng lansangan
lalampasan ang yugto-yugtong nakaraan
upang akayin tayo tulay ma’y kaytarik
upang maalpasan ang balakid na hitik
upang di lumubog sa rumagasang putik
upang maharap ang alimpuyo ng lintik
tulay ang guro sa dagat ng suliranin
upang kalutasan sa mga gulo'y kamtin
upang sa hinaharap di tayo gutumin
upang lalim ng laot ay masisid natin
sa kinabukasan guro ang ating tulay
habang tayo’y lumalaki sila’y kalakbay
sa maraming pagkakataon ay karamay
makipot man ang tulay nating binabaybay
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod
guro ang ating tulay mula kabataan
tungo sa inaasam na kinabukasan
tatahakin anumang bako ng lansangan
lalampasan ang yugto-yugtong nakaraan
upang akayin tayo tulay ma’y kaytarik
upang maalpasan ang balakid na hitik
upang di lumubog sa rumagasang putik
upang maharap ang alimpuyo ng lintik
tulay ang guro sa dagat ng suliranin
upang kalutasan sa mga gulo'y kamtin
upang sa hinaharap di tayo gutumin
upang lalim ng laot ay masisid natin
sa kinabukasan guro ang ating tulay
habang tayo’y lumalaki sila’y kalakbay
sa maraming pagkakataon ay karamay
makipot man ang tulay nating binabaybay
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)