Linggo, Hunyo 2, 2024

Anaan, pakakak at umok

ANAAN, PAKAKAK AT UMOK

sa isang palaisipan, kayrami kong nawatas
aba'y UMOK pala ang tawag sa uod ng bigas
ANAAN naman ay punongkahoy na balingasay
nang sa isang diksyunaryo'y saliksikin kong tunay
dati ko nang alam na ang tambuli ay PAKAKAK
na batay sa mga ninuno'y gamit na palasak
iyan ang matitingkad na salita kong nabatid
mula sa krosword sa puso't diwa'y galak ang hatid
habang may mga salitang dati nang nasasagot
na sa palaisipan din naman natin nahugot
ang ALALAWA ay gagamba, SOLAR ay bakuran
TALAMPAS naman ay kapatagan sa kabundukan
salamat, muli'y may natutunang bagong salita
na magagamit natin sa pagkukwento't pagtula

- gregoriovbituinjr.
06.02.2024

* krosword mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Hunyo 2, 2024, p.10
anaan - balingasay, punungkahoy (Buchanania arborescens), mula sa UP Diksiyonaryong Filipino (UPDF), p.50 at p.112
pakakak - malaking kabibe na hinihipan at ginagamit na panghudyat, UPDF, p.884
umok - maliliit na uod na nagiging sanhi ng pagkakaroon ng masamang amoy ng bigas o tinapay, UPDF, p.1301

Mabuhay ang ALAS Pilipinas!

MABUHAY ANG ALAS PILIPINAS!

Mabuhay ang ALAS Pilipinas. mabuhay!
na naka-bronze medal sa nilahukang tunay
sa AVC Challenge Cup for Women, tagumpay
inukit nila'y kasaysayan, pagpupugay!

hinirang si Jia De Guzman na Best Setter
si Angel Canino, Best Opposite Spiker
sa sunod na torneo sana'y maging better
pagbutihin pa ang laro nila'y mas sweeter

mabuhay din ang iba pang balibolista
Eya Laura, Vanie Gandler, Sisi Rondina,
Cherry Nunag, Dawn Catindig, Del Palomata,
Ara Panique, Fifi Sharma, Jen Nierva, 

Julia Coronel, Faith Nisperos, Thea Gagate,
coach Jorge Souza de Brito, tanging masasabi
buong koponan ay kaygaling ng diskarte
pagpupugay sa inyo ang aming mensahe

- gregoriovbituinjr.
06.02.2024

* ulat mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, 05.31.2024, p.12

Balibolista

BALIBOLISTA

huwag kang hahara-hara sa daan
pag silang mga kababaihan
ay naririyan at dumaraan
mabuti pang sila'y saluduhan

para bang boksingerong walang glab
imbes mukha, bola'y hinahampas
lalo sa laro't nagpapasiklab
kamay nila'y tingni't kaytitigas

tiyak pag tumama sa ulo mo
daig pa nila ang boksingero
pag bola nga'y pinalong totoo
kaytindi, paano pa pag ulo

tiyak na kalaban ay tutumba
pag nakalaba'y balibolista
animo'y martial arts din ang tira
pagmasdan mo't kayhuhusay nila

- gregoriovbituinjr.
06.02.2024

* litrato mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, 05.30.2024, p.12

Sa pagsalubong ng bukangliwayway

SA PAGSALUBONG NG BUKANGLIWAYWAY

sumikat ang araw / na dala'y pag-asa
na may kalutasan / ang bawat problema
kinakaharap na / ang bagong umaga
tulad ng pag-ibig / ng minutyang sinta

aking gugugulin / ang buong maghapon
upang pagnilayan / bawat mga hamon
nasa isip lagi / ang layon at misyon
na baka magwagi / sa takdang panahon

maraming kasama / sa bukangliwayway
kay-agang gumising / na di mapalagay
agad nagsiunat / at muling hinanay
ang mga gawaing / dapat mapaghusay

may bagong pag-asang / dapat madalumat
ng sanlaksang dukhang / sa ginhawa'y salat
sa bukang liwayway, / maraming salamat
ang pagsalubong mo'y / pag-alay sa lahat

- gregoriovbituinjr.
06.02.2024