Lunes, Hulyo 12, 2021

Pagbubukod ng basura

PAGBUBUKOD NG BASURA

isinama na naman ang plastik na di mabulok
sa mga nalagas na dahong madaling mabulok
yaong nagtapon ng boteng plastik ba'y isang bugok
o walang pakialam kahit may laman ang tuktok

itinuro namang tiyak sa mga paaralan
ang paghihiwalay ng basura sa basurahan
ngunit paano kung itinapon na lang kung saan
sino bang sa basurang ito'y may pananagutan

kawawa ang tagalinis na alam ang pagbukod
ng basura habang patuloy siyang kumakayod
batid ang batas ngunit marami'y di sumusunod
boteng plastik kahalo ng dahon, nakakapagod

kaya pakiusap, ibukod natin ang basura
huwag paghaluin, baka magkasakit ang masa
aralin muli ang mga napag-aralan mo na
tungkol sa kalikasan, kapaligiran at kapwa

- gregoriovbituinjr.

Patuloy na paggawa ng ekobrik

PATULOY NA PAGGAWA NG EKOBRIK

naggugupit-gupit pa rin ng sangkaterbang plastik
angking misyon habang ilog at sapa'y humihibik
sa naglulutangang basurang plastik na tumirik
sa kanilang kaluluwang animo'y nakatitik

ginagawa ko iyon nang walang kakurap-kurap
walang patumpik-tumpik na talagang nagsisikap
tingni ang paligid, kalikasa'y sisinghap-singhap
na kinakain na'y basurang di katanggap-tanggap

may bikig na sa lalamunan ang laot kumbaga
kaya paggawa ng ekobrik ay munti kong larga
nagbabakasakaling ako'y may naambag pala
upang kalikasan ay mailigtas sa disgrasya

tingni, walang lamang boteng plastik ay may espasyo
kaya ginupit na plastik ay ipapasok dito
patitigasing parang brick, purong plastik lang ito
hanggang maging matigas na ekobrik ang gawa mo

minsan, sa paggupit-gupit, ramdam mo'y nangingimay
napapagod din iyang mga daliri sa kamay
mahalaga'y nagagawa ang niyakap na pakay
upang kalikasan ay mapangalagaang tunay

- gregoriovbituinjr.
07.12.2021

Pagtatanim sa paso

PAGTATANIM SA PASO

nakakatuwang masdan ang luntiang kalunsuran
kung paanong tayo animo'y nasa kagubatan
mapuno, mahangin, maraming tanim na halaman
na sa pakiramdam ay talagang nakagagaan

kaya magtanim-tanim kahit sa mumunting paso
diligan araw at gabi nang may buong pagsuyo
alagaan ang mga tanim nang walang pagsuko
bakasakaling mamunga pag ito'y napalago

kung di man mamunga ang halaman ay pwede na rin
kung makakasagap ka naman ng sariwang hangin
kung polusyon sa paligid ay maiwasan natin
kung kaaya-aya rin ito sa ating paningin

tunay ngang ang kalikasan ay kadikit ng pusod
magandang halimbawa ang lunting nakalulugod
kaya urban farming sa bawat isa'y itaguyod
halina't magtanim-tanim din kahit nasa lungsod

- gregoriovbituinjr.
07.12.2021