kung tahimik ka sa kabila ng katiwalian
ay ano ka? walang pakialam na mamamayan?
nakikita mo na'y binabalewala mo lamang
nagbubulag-bulagan ka't nagbibingi-bingihan!
pumalag ka, huwag kang matakot na makialam
ipakita mong sa nangyayari'y may pakiramdam
hayaan mo ang sinumang sa iyo'y mang-uuyam
makialam ka't kakamtin din ang hustisyang asam
kung sa katiwaliang nangyayari'y tatahimik
ay ano ka? katulad mo na'y mga taong plastik
dapat nang umimik ngunit di pa rin umiimik
natatakot ka bang makakalaban mo'y mabagsik
aba'y isipin mo ang kinabukasan ng bansa
kahit mga tiwali'y tiyak mong makakabangga
ngunit tulad nila'y mapapalamon din ng lupa
bigyan mo ng pag-asa't tinig ang mga kawawa
- gregbituinjr.