Lunes, Hunyo 28, 2021

Linisin ang Ilog Pasig

LINISIN ANG ILOG PASIG

di ligtas at marumi ang tubig sa Ilog Pasig
iyan ang sinambit ng marami't nakatutulig
pag naligo rito'y di lang basta mangangaligkig
pag nagkasakit ka pa'y sarili mo ang uusig

aba'y para kang naligo sa dagat ng basura
tulad ng trapong sa maraming lupa'y nanalasa
ang paglinis sa Ilog Pasig ba'y magagawa pa
marahil, kung magtulong tayong ito'y mapaganda

pulos basura, di naman basurahan ang ilog
kung anu-ano ang nakalutang at nakalubog
sa karumihan nga sa mundo ito'y napabantog
tayo'y walang magawa, sa puso'y nakadudurog

ngunit kailan pa ito malilinis, kailan
di lang basura kundi langis din ay naglutangan
mula pabrika't sasakyang pantubig na dumaan
di ito malilinis kung di ito sisimulan

halina't kumilos, bakasakaling may magawa
Ilog Pasig ay simbolo ng kultura ng bansa
walang malasakit sa ilog, sa tao pa kaya
ah, nais kong magboluntaryo't tumulong ng kusa

- gregoriovbituinjr.

Sakripisyo ng mga nanay

SAKRIPISYO NG MGA NANAY

sa community pantry mga ina'y pumipila
madaling araw na'y gising, pipila ng umaga
bakasakaling kahit kaunti'y may makukuha
upang pansagip sa gutom ng kanilang pamilya

sa panahon ng pandemya, pantry ay nagsulputan
dahil kay Patreng Non, na simbolo ng bayanihan
lumaganap ang "Magbigay ayon sa kakayahan"
pati na "Kumuha ayon sa pangangailangan"

dahil pandemya, mga ina'y lahat ay gagawin
at anumang hadlang o balakid ay hahawiin
antok man sa madaling araw ay sadyang gigising
malayo man ang community pantry'y lalakarin

ganyan ang sakripisyo ng mapagmahal na nanay
upang kanilang pamilya'y di magutom na tunay
ang pagbabayanihan ng kapwa'y buhay na buhay
taospusong pasalamat sa mga nagbibigay

- gregoriovbituinjr.

Dito sa kagubatan

DITO SA KAGUBATAN

kayraming puno sa kagubatan
na bunga'y pipitasin na lamang
mga hayop ay nagmamahalan
at bawat isa'y nagbibigayan

oo, di sila tulad ng tao
na kabig doon at kabig dito
serbisyo'y ginagawang negosyo
ginto ang nasa puso ng tuso

naglalaguan ang mga puno
sana mga ito'y di maglaho
ngunit kung puputlin ng maluho
ay mabebenta saanmang dako

gubat ma'y kunin ng manunulsol
upang gawing silya o ataul
lalabanan ang gintong palakol
kagubata'y dapat ipagtanggol

buhay man iwi yaong kapalit
tahanan itong dapat igiit
bahay ng hayop, ibon mang pipit
huwag hayaang sila'y magipit

ah, mabuti pa rito sa gubat
kasamang hayop ay matatapat
na bawat bunga'y para sa lahat
at walang basta nangungulimbat

mamitas lamang ng bungangkahoy
habang nagsasaya pati unggoy
na sa baging ay uugoy-ugoy
pagong ay sa sapa naglulunoy

mga pagkain dito'y sariwa
luntiang gubat na pinipita
mga hayop na sadyang malaya
ay nabubuhay nang mapayapa

- gregoriovbituinjr.
06.28.2021