Martes, Abril 14, 2020

Panahon na nga ba ngayon ng hikbi't sawimpalad

Panahon na nga ba ngayon ng hikbi't sawimpalad

panahon na nga ba ngayon ng hikbi't sawimpalad
na pesteng sakit ay parang ipuipong lumantad
di agad nakatugon yaong pagong kung umusad
habang marami'y sa sariling pawis nakababad

panahon na ba ng pagdurusa, hibik at hikbi
marami nang nagugutom at di na makangiti
dahil sa nanalasang sakit ay di makauwi
habang iba'y nagkasakit at tuluyang nasawi

oo, nasa panahon na tayo ng hikbi't hibik
rumaragasang sakit ay buhawing anong lintik
paano pipigilang mga mata'y magsitirik
sa sitwasyong ang sakit ay sa mundo dumidikdik

dukha't panggitnang uri man ay dapat magkaisa
upang maiwasan ang sakit ay mag-kwarantina
ngunit dapat gutom ay solusyunang kapagdaka
kung wala'y kunin ang yaman ng mapagsamantala

kung burgesya noon, dukha't obrero'y tinitiris
at ngayon, mamamayan sa gutom ay nagtitiis
dapat maglabasan ang kapital ng mga burgis
at pagkaisahang sistemang bulok na'y mapalis

- gregbituinjr.

Bagong Taon: Una ang Taal, sunod si Kobe, ngayon ay COVID

Bagong Taon: Una ang Taal, sunod si Kobe, ngayon ay COVID

Bagong Taon ay sinalubong nating walang patid
ang mga balitang pawang sakuna yaong hatid
una ang Taal, sunod si Kobe, ngayon ay COVID
taon doble bente'y sa dilim tayo binubulid

bumagsak ang ashfall, naapektuhan ang marami
bumagsak ang eroplanong sinasakyan ni Kobe
na kinasawi ng iba't anak niyang babae
ngayon naman ay COVID ang sa mundo'y pumepeste

pawang sakuna ang unang sangkapat nitong taon
marami nang namamatay, naligalig ang nasyon
baka frontliners pa'y maisahan pag nagkataon
huwag naman sana't kayrami nang namatay ngayon

dapat magamot din ang daigdig na nilalagnat
dapat mapaghilom ang nagnanaknak nitong sugat
dapat maiwasang ang COVID ay lalong kumalat
nang maiwasan ding magkahawaan tayong lahat

- gregbituinjr.

Pagpupugay sa ika-400 taon ng Letran (1620-2020)

Pagpupugay sa ika-400 taon ng Letran (1620-2020)

Alma mater namin, tunay kang bunying paaralan
Letran, mabuhay ka, sa apat na siglong nagdaan
Mga nag-aral sa iyo'y dapat kang pagpugayan
At naabot ang anibersaryong apatnaraan.

Masarap damhing ikaapat na siglo'y sinapit
Alma mater, Letran espledente, ang aming awit
Tinig ng bawat isa'y nagkakaisang mahigpit
Edukasyong inalay mo'y tunay naming nagamit
Respeto sa kapwa't maging marangal bawat saglit.

Letran Squires, Letran Knights, sa isports ay magagaling
Emblema'y kalasag at kabalyerong anong giting
Tunay na matatag at matagumpay kung ituring
Red and blue ang kulay ng kasuotang nagniningning
Ang tagumpay sa iba't ibang laranga'y narating
Nagmamalasakit sa kapwa, man for others pa rin.

Edipisyo'y anong tatag, kaysarap pang mag-aral
Sikat nitong mga alumno'y tunay na nagpagal
Pang-apat na siglo'y narating, gayon nga katagal
Lalo kang hahanga, may alumno pang santo't banal
Ehemplo ng karunungan ang Letran naming mahal
Dito sa Letran ay nag-aral kami't nagsumikap
Espesyal sa puso't diwa naming mga nangarap
Nawa, Letran ay maraming tagumpay pang matanggap
Tunay kung magkawanggawa't sa kapwa'y lumilingap
Eto't naririto kaming nagpupugay ngang ganap!

- alay na tula ni Gregorio V. Bituin Jr., 04.14.2020
Letran High School Batch 1985, Intramuros, Manila

Karanasan ko't Pagpupugay sa Iyo, Arriba Letran!

KARANASAN KO'T PAGPUPUGAY SA IYO, ARRIBA LETRAN!

apatnaraang taon na ang aming paaralan
siyam na taon ang tanda ng U.S.T. sa Letran
na pinangangasiwaan ng mga Dominican
eskwelahang humubog sa pagkatao't isipan
institusyong umugit sa aming kinabukasan

kayrami ring naranasan sa paaralang iyon
naging kinatawan sa dalawang pagkakataon
ng paaralan sa Rizal Memorial Coliseum
kinatawan ng Letran sa taekwondo competition
noong second year, track-and-field naman sa huling taon

buong hayskul na walang babae kaming kaklase
hanggang naranasang maging opisyal ng C.A.T.
siyamnapu't anim na porsyento sa N.C.E.E.
nagtapos kami't nagmartsa doon sa P.I.C.C.
nais kong magkolehiyong may mataas na degri

ngunit nais ni Ama na ako'y mag-engineering
walang engineering doon, napahiwalay na rin
sa alma mater na matagal ko ring nakapiling
maraming salamat, Letran, na humubog sa akin
sa ikaapat mong siglo, ako'y muling darating

pagpupugay din sa lahat ng naging kaklase ko
sa samahan at frat na aking nakahalubilo
sa mga nakasama sa track-and-field at taekwondo
sa nasa gym, dyanitor, pari't guro namin dito
pagpupugay po, Arriba Letran! Mabuhay kayo!

- alay na tula ni Gregorio V. Bituin Jr., 04.14.2020
Letran High School Batch 1985, Intramuros, Manila

Sa pagsikat ng araw

Sa pagsikat ng araw

halina't mag-ehersisyo pagsikat nitong araw
upang tayo'y mainitan sa panahong maginaw
matapos nito'y hihigop ng mainit na sabaw
habang aalmusalin naman ang natirang bahaw

patutukain muna ang mga alagang sisiw
habang kaysarap pang nahihimbing ang ginigiliw
habang naninilay ang pagsintang di magmamaliw
habang nagsusulat ay may awiting umaaliw

di makapag-text, mahalaga'y unahing madalas
imbes na load, binili muna'y tatlong kilong bigas
unahin muna ang tiyan, wala mang panghimagas
imbes na load, binili'y dalawang latang sardinas

gigising at sasalubungin ang bagong umaga
bago pagkat sa kalendaryo'y iba na ang petsa
ang alay ng bukangliwayway ay bagong pag-asa
para sa masa, para sa bayan, at sa pamilya

- gregbituinjr.