Sabado, Nobyembre 21, 2009

Ako'y Puyatero

AKO'Y PUYATERO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

sadyang nais kong matulog sa gabi
upang maipahinga ang katawan
kadalasan di ako mapakali
kaya di makatulog sa higaan

baka raw ako'y mayroong imsomnia
kaya dapat daw akong magpatingin
baka raw may malalim na problema
naghihirap, wala ni isang kusing

ako'y muli na namang mapupuyat
at haharap na naman sa kompyuter
nasa isip ay agad isusulat
isyu ng masa at laban sa pader

ngunit minsan nakakatulog agad
lalo't pagod na pagod ang katawan
kung saan-saan kasi napapadpad
upang makatulong sa taumbayan

kaya binansagan nang puyatero
yaong taong di agad makatulog
ngunit abala pa't nagtatrabaho
kaya ang katawan ay nalalamog

puyatero akong lubog ang mata
kaya madalas pipikit-didilat
puyatero'y dapat makatulog na
at huwag laging magpapakapuyat

Mga Tambak sa Lababo

MGA TAMBAK SA LABABO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

unang pinapansin sa mga opisina
ang kalinisan nito tulad ng kubeta
ngunit kapansin-pansin sa mga kasama
tambak sa lababo'y pinagkainan nila

doon sa lababo'y maraming naiiwan
na mga baso, kutsara, tinidor at pinggan
na yaong gumamit di man lang hinugasan
iaasa sa iba ang pinagkainan

ni hindi mahugasan ang sariling plato
at iba pang ginamit doon sa lababo
umaasa sa ibang mahugasan ito
para bang sila'y may mga alila rito

lagi na lang silang nagpapakiramdaman
kung sinong maghuhugas ng pinagkainan
gayong may tubig, pang-is-is at sabon naman
ngunit para pang ayaw makipagtulungan

di ba't simple lang namang maghugas ng plato
at ng anumang ginamit tulad ng baso
nakapandidiri ba ang nasa lababo
aba'y huwag kumain kung ikaw'y ganito

tayo lang ang sa sarili'y didisiplina
kaya dapat mag-usap ang mga kasama
paano ang kalinisan sa opisina
paano magtutulungan ang bawat isa

Mga Yosi sa Kompyuter

MGA YOSI SA KOMPYUTER
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

maraming nagyoyosing kompyuter ang kaharap
na pagkatapos magkompyuter iiwan na lang
ang mga upos sa astrey na lalagyan nito
kawawa naman ang sunod na gagamit dito

kayrumi ng paligid nitong kompyuter namin
ang mga gumamit di maalalang linisin
at ang maglilinis nito'y yaon pang kasunod
habang ang dating gumamit ay tagapanood

mabuti't may astrey sa kompyuter na naroon
ngunit upos ay saan-saan nagkalat doon
may astrey na nga'y di pa gamitin nang maayos
imbes ilagay sa astrey, nagkalat ang upos

mga abo pa ng yosi'y sa keyboard nagkalat
gayong bilin: "di makalat ang kasamang mulat"
kaya yata ang kompyuter ay nagkaka-virus
dahil ang gumagamit, sa disiplina'y kapos

Bawat Tagaktak ng Pawis

BAWAT TAGAKTAK NG PAWIS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

bawat tagaktak ng pawis ay tanda
ng sipag at tyaga ng manggagawa
bawat tagaktak ng pawis ng dukha
tanda ng isang kahig isang tuka

ngunit ang pawis ng kapitalista
ay tanda ng tusong tatawa-tawa
muli na naman siyang nakaisa
at dumaming muli ang kanyang pera

may dahil bawat tagaktak ng pawis
merong api, merong bumubungisngis
merong salat, merong kabig ay labis
nasang ang problema nila'y mapalis

ngunit kung pawis ay may halong dugo
habang binubuhay ang maluluho
mag-aaklas na silang laging yuko
upang sa dusa sila na'y mahango

Ang Kasamang Mulat, Hindi Makalat

ANG KASAMANG MULAT, HINDI MAKALAT
ni Greg Bituin Jr.
11 pantig

i.

nakapaskel sa isang opisina
ang isang maayos na paalala
na pag ito'y ating agad nabasa
ay sadyang bilin sa mga kasama

sa paalalang iyon nasusulat:
"ang kasamang mulat, hindi makalat"
paskel na ito'y tandaan ng lahat
dahil kung hindi'y baka makalingat

baka hugasin dumami na naman
baka mapuno yaong basurahan
baka madumi na pati basahan
ating sundin yaong paskel na iyan

ang kasamang makalat, hindi mulat
kahit mata niya'y dilat na dilat
kahit kita na ang maraming kalat
ay wala pang ginagawa ang lekat

anumang kalat ay ating tanggalin
ang sahig ay atin nang lampasuhin
alikabok ay atin ding walisin
ang kalat sa mesa'y ating imisin

ii.

hindi makalat ang kasamang mulat
malaking tiyan ang kasamang bundat
tinitigyawat ang kasamang puyat
at kuripot ang kasamang makunat