Linggo, Pebrero 23, 2020

Mahirap ang may utang lalo't di kayang bayaran

mahirap ang may utang lalo't di kayang bayaran
para kang kriminal na nanloloko ng gahaman
nangutang ka, babayaran mo, kayo'y may usapan
may takdang panahon upang mabayaran ang utang

nang dahil sa utang kaya trabaho ng trabaho
may pambayad sa utang kung mayroong sinusweldo
binubuhay na lang ang iba, di ang pamilya mo
ganito ang may utang, para kang kinalaboso

ayokong may utang kahit magdildil man ng asin
ayokong nagtatrabaho lang dahil sa bayarin
ayokong mga inutangan lang ang bubuhayin
ayoko rin namang sila lang ang pabubundatin

kung kakayod ako'y upang pamilya ko'y sumaya
di nababaon sa utang at bulok na sistema
kung di mo kayang magbayad, mangungutang ka pa ba
kahit na sa harap ng hirap at emerhensiya

bayarin sa ospital kaya ka lang mangungutang
upang magamot ang mahal, bituka'y naging halang
dahil sa kakapusan, kahit ano'y dinudukwang
uutang ng uutang sarili na'y pinapaslang

- gregbituinjr.

Magpapaalipin na ba ako sa kapitalista?

MAGPAPAALIPIN NA BA AKO SA KAPITALISTA?

magpapaalipin na ba ako sa kapitalista?
magpapakain na ba ako sa bulok na sistema?
ito'y upang kumita lang ng kapiranggot na pera
upang may pambili lang ng bigas para sa pamilya

ang pagpapaalipin sa sistema'y kasumpa-sumpa
marahil ay mawawala na rin ang aking pagtula
pagkat pulos trabaho na lang ang aking magagawa
upang lumigaya ang pamilya'y magpapaalila

sa pera lang kasi umiinog ang ating daigdig
kung wala kang pera'y wala kang pambili ng pag-ibig
dahil sa sistema, tao'y sa pera na nakasandig
kaya yaong mga walang salapi'y laging ligalig

di ko alam kung makatarungan pang magpaalipin
upang pamilya'y di magutom at tiyan ay busugin
walang kalayaan basta't sumunod sa among turing
silang sa lakas-paggawa mo'y tiyak na mag-aangkin

- gregbituinjr.