Sabado, Marso 5, 2022

Pagtunton

PAGTUNTON

hinanap ko ang patutunguhan
at pasikot-sikot pa ang daan
sumakay ng traysikel na lamang
uno singkwenta ang binayaran

ubos ang perang tumataginting
upang lugar lamang ay marating
upang maralita'y kausapin
hinggil sa kanilang suliranin

kaysariwa ng hangin sa nayon
kaya ang loob ko'y huminahon
anong saya kong magtungo roon
binaybay, buti't aking natunton

sa tsuper ng traysikel, salamat
ako'y natulungan niyang sukat

- gregoriovbituinjr.
03.05.2022

Tibak

TIBAK

nais kong mabuhay / nang may katuturan
na nirerespeto / bawat karapatan
ipinaglalaban / yaong katarungan
na dapat makamit / nitong mamamayan

kaya aking nais / maisulat lagi
ang pakikibaka / ng inaaglahi
kawalang hustisya'y / di na maaari
dapat nang pawiin / ang panduduhagi

ako'y isa lamang / karaniwang tao
subalit niyakap / sa puso'y prinsipyo
ng uring obrero / o ng proletaryo
babaguhin itong / nasisirang mundo

simple ang layunin, / payak na adhika
na para sa masa't / uring manggagawa
ito ako, simpleng / lider-maralita
pagbabagong nais / ay para sa madla

nais kong pukawin / bilang manunulat
itong sambayanan / ay aking mamulat
upang baligtarin / tatsulok na sukat
kung ito'y magawa / maraming salamat

- gregoriovbituinjr.
03.05.2022

Atin 'to

ATIN 'TO

sa isang traysikel nakasabit ang poster nila
sana maraming traysikel na ito'y dala-dala
habang poster ng trapong kandidato'y naglipana
kita agad sinong wala-wala, sinong may pera

paisa-isa man, ito ang ating kandidato
inilalaban ang isyu ng karaniwang tao
Ka Leody de Guzman para sa pagkapangulo
sa ikalawang pangulo naman si Walden Bello

si Ka Leody, may prinsipyo, lider-manggagawa
matagal nang nakikibaka, sosyalistang diwa
na pagkakapantay sa lipunan yaong adhika
salot na kontraktwalisasyon, tatanggaling sadya

si propesor Ka Walden Bello ay talagang atin
magaling sa kasaysayan, libro niya'y basahin
Marcos-Duterte Axis of Evil, kakalabanin
Baby Marcos at Baby Duterte'y dedebatihin

para pagka-Senador, Attorney Luke Espiritu
makakalikasang kandidato, Roy Cabonegro
batikang environmentalist, David D'Angelo
tayo'y magsama-sama upang sila'y ipanalo

ang poster nila sa isang traysikel nakasabit
ikampanya sa masa, sila'y marapat mabitbit
ipakitang sa bulok na sistema'y may kapalit
Bagong Ekonomya, Bagong Pulitika ang giit

- gregoriovbituinjr.
03.05.2022