MILYUN-MILYONG KONTRAKTWAL
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod
kailangan ng trabaho, nagpaalipin
kahit maging kontraktwal, basta may makain
kaysa raw magutom ang kanilang pamilya
kaysa raw mamatay silang dilat ang mata
basta may makain, kahit maging kontraktwal
nagpapaalipin kahit di maregular
sa lipunang itong walang kinabukasan
ang kinabukasan ay alipin ng gahaman
kinabukasang inukit na ng kapital
upang pagtubuan iyang mga kontraktwal
kontraktwalisasyong walang benepisyo
di tao kung ituring ang mga obrero
kundi makina, makinang walang pamilya
obrerong pinagsasamantalahan nila
ilan ba, ilan pa silang dapat maapi
sa buhay na itong hirap ay tumitindi
nasa milyon na ang tulad nilang kontraktwal
panay ang trabaho, nananatiling kaswal
milyun-milyong kontraktwal, magkaisa kayo
ang bulok na sistema'y baguhin na ninyo
katiyakan sa trabaho'y dapat tiyakin
pagiging regular ay dapat nyong maangkin
lakas-paggawa'y dapat mabayarang tama
benepisyo'y dapat kamtin ng manggagawa
kaya obrero, wakasan ang kabulukan
ugitin nyo na ang bagong kinabukasan
manggagawa, dapat na kayong magkaisa
kontraktwalisasyong salot, tapusin nyo na