Linggo, Agosto 1, 2021

Agosto Uno: Kamatayan ng Dalawang Pangulo

AGOSTO UNO: KAMATAYAN NG DALAWANG PANGULO 

kapwa sila unang araw ng Agosto nawala
kapwa pangulong pinamunuan ang ating bansa
kapwa makasaysayan ang panahon nilang sadya
at kapwa kinilala sa paglilingkod sa madla

panahon ng Ikalawang Daigdigang Digmaan
nang pinamunuan ni Pangulong Quezon ang bayan
habang si Cory Aquino'y naging pangulo naman
nang diktador ay pinatalsik na ng taumbayan

sila'y kinilala sa matapat na pagsisilbi
sa ating bansa't taumbayan na ang nagsasabi
namatay si Quezon sa tuberkulosis o tibi
colon cancer naman ang ikinamatay ni Cory

tuwing Agosto Uno ay inaalalang tunay
ang kanilang mga nagawa noong nabubuhay
at sa anibersaryo ng kanilang pagkamatay
tangi kong masasabi'y taas-noong pagpupugay

- gregoriovbituinjr.
08.01.2021

* Mga litrato mula sa google
Pangulong Manuel L. Quezon (Agosto 19, 1878 - Agosto 1, 1944)
Pangulong Corazon C. Aquino (Enero 25, 1933 - Agosto 1, 2009)

Sa sama-samang pagkilos

SA SAMA-SAMANG PAGKILOS

pasasalamat sa suporta n'yo, mga kasama
lalo na sa aking pagtalumpati noong SONA
bilang sekretaryo heneral ng ating samahan
naririto pa tayong matitibay pa rin naman

mabuhay kayo, isang taas-noong pagpupugay
sadyang kasangga kayo saanmang labanang tunay
dito man ay nakatalungko ako't nagmumuni
nasa diwa pa ri'y paanong sa bayan magsilbi

tuloy ang laban mula sa piitan hanggang laya
habang nakikiisa sa laban ng mga dukha
kumikilos para sa panlipunang katarungan
maitayo ang asam na makataong lipunan

gaano pa man kalayo ang ating tatahakin
at gaano man kaputik ang ating lalandasin
ay makakamtan din ang inaasam na tagumpay
dahil sa ating pagkakaisa at pagsisikhay

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng isang kasama nang lumahok sa pagkilos sa SONA ang Ex-Political Detainees Initiative (XDI)

Mensahe sa bituin

MENSAHE SA BITUIN

madalas kitang tinitingala sa kalangitan
upang magnilay at pagmasdan ang iyong kariktan
nais kitang abutin ngunit kaylayo mo naman
noon pa man, nais kitang ikwintas sa katipan

inaabangan kong lagi ang pagdatal ng gabi
nang masilayan ka habang nakaupo sa tabi
nang sa iyo'y ipanatang sa bayan magsisilbi
bituin kang paraluman sa aking guniguni

sadyang inspirasyon kayong ikinwintas sa langit
habang mga pangarap ko sa diwa'y laging bitbit
maaari bang diyan ako'y iyo ring isabit
tulad ng pangunguha ko ng bunga ng kalumpit

sa gabi-gabing pagkikita'y maraming salamat
maliban pag may unos na nagtatago kang sukat
pagmamasdan kita sa dilim kahit may habagat
habang di pa nagpapahinga ang diwa kong puyat

- gregoriovbituinjr.

* litrato mula sa google

Kagabi

KAGABI

kagabi, nasaksihan ko ang aking kamatayan
datapwat kanina lang, muli akong isinilang
nagmulat ng mata paglabas sa sinapupunan
upang umaga'y salubungin ng buong kariktan

kagabi'y isang di ko malilimutang sandali
nagkagulo na dahil sa maraming mali-mali
para bang sinuman ay talagang nagmamadali
hanggang mga tuhod at buto'y nagkabali-bali

oo, tandang-tanda ko pa yaong mga naganap
habang sa dilim, panangga'y aking inaapuhap
nahan na ang inaasahang agarang paglingap
nang pagdingasin pa ang ilawang aandap-andap

gagawin ko lahat upang mapang-api'y magapi
at katarungang panlipunan ay maipagwagi

- gregoriovbituinjr.