Miyerkules, Oktubre 28, 2009

Si Pia Montalban


SI PIA MONTALBAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

sa Kamayan sa Edsa kami unang nagkita
hinanap niya ako dahil kay Che Guevara
pagkat isinalin ko ang kay Cheng mga obra
sa wikang Filipino't isinaaklat ko pa

at sa grupo sa email ay aking inanunsyo
nabasa ni Pia na aking isinalibro
doon nagsimula ang pagkakilalang ito
matabil, matalino, marami siyang kwento

hanggang samahan siya sa ilang lakad niya
kaysarap makasama ng magandang si Pia
di mo pagsasawaang pagmasdan sa tuwina
siya'y bunso sa tatlo, isang dalagang ina

alagad ng simbahan kaya pala kaybait
para ba siyang anghel na hulog nitong langit
magaling na makata, bawat tula'y malagkit
tila hinihila ka upang basahing pilit

sa rali sa Makati si Pia'y naisama
doon na nagsimula ang bagong buhay niya
hanggang sa kalaunan ay naging aktibista
at sa maraming rali'y nakasama ko siya

ngunit sa katagalan, nagkahiwalay kami
ng landas at sa iba na siya nabighani
nagsilang siyang muli nang malusog na beybi
may utol na si Jahred, bunso nila'y babae

nang malaon si Pia'y naging lingkod ng masa
doon sa kanayunan, kasama'y magsasaka
ako'y sa kalunsuran, manggagawa'y kasama
magkaiba ng landas, parehong aktibista

nababasa ko pa rin ang kanyang mga tula
sana'y nababasa pa niya ang aking katha
naisaaklat niya ang nakatagong diwa
di ko malilimutan ang magandang makata

* Kaarawan ni Pia, Oktubre 28, 2009

Pag-ibig, ikaw ang dahilan ng lahat ng ito

Pag-ibig, ikaw ang dahilan ng lahat ng ito
Ikaw ang sanhi kung bakit nagmamahal ang tao
At dahilan upang pangarap ang paraiso
Magmahalan ang bawat isa sinupaman tayo.

O, Pagsintang sadyang napakamakapangyarihan
Narito ang puso kong sa lakas mo'y umaasam
Tingnan mo ang paghihirap niring puso't titigan
At malasap ko nawa ang iyong kapangahasan.

Lagi kong iniisip na iwing puso'y madinig
Binibini kang pagsinta ko nawa'y maulinig
Asahan mong tutupdin ko anumang iyong ibig
Nawa'y dinggin mo lang ang nagsusumamo kong tinig.

- gregbituinjr.

Ako'y Isang Lagalag

AKO'Y ISANG LAGALAG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

palaboy-laboy ako sa lansangan
kayhilig gumala kung saan-saan
ang lansangan na ang aking tahanan
ako'y isang lagalag kung turingan

manonood ng sine, magsasaya
o kaya'y pupuntahan ang barkada
at mag-iinom kami sa kanila
ang pulutan ay kwentong walang kwenta

sa iba kami'y pinandidirihan
di raw matino ang pinanggalingan
sa may kanto'y nagsisiga-sigaan
kami raw ay walang kinabukasan

paglalagalag ko'y di pinangarap
ito'y dala lang ng buhay sa hirap
kaya ako'y laging sisinghap-singhap
sa mundong kayrami ng mapagpanggap

ako'y lagalag at lagalag ako
ngunit nagpipilit magpakatao
may dignidad ka't may dignidad ako
kaya dapat magrespetuhan tayo

lagalag ako pagkat walang-wala
tanging kasalanan ko'y maging dukha
sana naman kayo'y makaunawa
lagalag ako ngunit di masama

Dagitab sa Diwang Kaydilim

DAGITAB SA DIWANG KAYDILIM
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

ikaw yaong dagitab sa diwa kong kaydilim
ikaw rin ang kandila sa pusong naninindim
ikaw ang liwanag sa gabing tila may lagim
ikaw lang ang aalayan ng pagsintang lihim

tanging ikaw lang ang nasa aking salamisim
sa puso ko'y talagang mahal kitang taimtim
kaysarap mong titigan sa puno mang malilim
kaysarap mong kausap, isip mo ma'y kaylalim

pakakasalan kita sabay ng takimsilim
tayong dalawa'y gagawa ng supling na anim
pagkabigo sana'y di magdulot ng sagimsim
pagkat maisip lang ito'y di ko na maatim

sa iyo ko lang alay ang pag-ibig kong lihim
nawa'y dagitab kang lagi sa diwang kaydilim