Biyernes, Pebrero 4, 2011

Ang Pagpapasya

ANG PAGPAPASYA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

paano nga ba nagpasya ang isang aktibista
upang taluntunin ang landas ng pakikisangkot
paano ba tayong nagpasyang maging aktibista
at suungin ang pakikibaka ng walang takot

nagpasya akong makisangkot at maging kaisa
dahil sa maraming katanungang hindi masagot
tanong bakit api ang manggagawa't magsasaka
gayong kaysisipag, sa dusa sila'y nababalot

nagpasya akong makisangkot, naging aktibista
dahil sa gobyerno'y kayrami ng mga balakyot
dahil inadhika nating makatulong sa masa
dahil nais nating ituwid ang sistemang buktot

dahil walang pag-aaring lupa ang magsasaka
dahil pati sahod ng obrero'y kinukurakot
dahil maraming pulitikong sadyang walang kwenta
dahil sa labang ito'y di dapat palambot-lambot

ikaw naman, kasama ko, paano ka nagpasya
dahil ba sa isang rali'y isa ka sa hinakot
tambay lang, o nais mo ring baguhin ang sistema
nais naming marinig ang mga kwento mo't sagot

gayunman, salamat sa iyong tamang pagpapasya
makibaka na't magpatuloy sa pakikisangkot
walang iwanan, patuloy tayong mag-organisa
ituwid natin ang sistema't lipunang baluktot

Maralita, Mag-organisa

MARALITA, MAG-ORGANISA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

maralita, tayo'y magkaisa
patuloy tayong mag-organisa
halina't mulatin na ang masa
patungo sa diwang sosyalista

dapat ibagsak ng mga dukha
ang kapitalistang walang awa
sa kanila'y walang mapapala
kundi pulos pasakit at luha

di na tayo dapat matuliro
adhika'y dapat masigurado
tara't magrebolusyon na tayo
ipagtagumpay ang sosyalismo!