ANINO NG PAGGAWA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
16 pantig, may sesura sa ikawalo
nagtatayugang gusali, mga sementadong daan
mga tulay na matibay, paaralan, pagamutan
asilo, bahay, bulwagan, pati mansyon at tanghalan
pamilihang bayan, plasa, balebulan, basketbulan
mga barko, eroplano, bus, at iba pang sasakyan
patunay iyan ng ating narating na kaunlaran
ngunit sa lahat ng iyan, sino ang siyang maygawa
sinong nagtayo, kaninong bisig yaong pinagpala
sinong naglinang, kaninong mga kamay ang lumikha
masdam mo ang kaunlaran at ikaw ay mamamangha
masdam ang kapaligiran at sadya kang mapapatda
tanaw mo'y ang kaluluwa, ang anino ng paggawa
masdan muli ang paligid, masdan ng paulit-ulit
manggagawa'y di makita ngunit sila ang umukit
ng ekonomyang maunlad, sila ang nagpasakakit
ngunit tingnan dukha pa rin ang obrerong maliliit
ang nagpaunlad ng bayan, patuloy na nagigipit
gayong sila ang maygawa ng bukas natin at langit
Larawan ay kuha ni Martin Cipriano na kasapi ng Litratista sa Daan |