Sabado, Abril 3, 2021

Pasaring

"Bakit, sino ka ba? Isang kawawang aktibista..."
minsan ay pasaring sa akin ng mahal kong ina
dahil di na ako maawat sa gawaing masa
sapagkat lagi na raw akong laman ng kalsada

dahil mga tula'y naghahanap ng katarungan
sa mga di ko raw kaanu-anong kung sino man
ako'y tinutuligsa sapagkat nasa kilusan
bakit sarili'y di ko raw isipin, di lang bayan

nabatid ko na ang dakilang layunin, at bakit
ko lilisanin ang kilusang mapagmalasakit
sa ating bayan, sa kapakanan ng maliliit
panlipunang hustisya'y banal na misyon kong giit

aniya pa, di naman nakakain ang prinsipyo
dapat daw maghanap na ng trabahong sumusweldo
at di gumawa ng pang-iistorbo sa gobyerno
di ako napigil ni ina, nagpatuloy ako

dahil nais kong patunayang tapat akong lingkod
di tulad ng gobyernong ang masa ang sinasakyod
tokhang, pagpaslang, maging bingi'y di nakalulugod
buti't may kilusang may prinsipyong tinataguyod

karapatang pantao at panlipunang hustisya
ang kambal na tunguhing dapat makamit ng masa
iyan ang layunin ko bilang simpleng aktibista
at makakamtan iyan pag nabago ang sistema

- gregoriovbituinjr.

Dapat walang chosen one

ngayong semana santa'y muli na namang narinig
sa telebisyon ang Israel na sa Diyos panig
chosen one daw o piling lahing di raw malulupig
Israel noong iba sa Israel na nanlupig

at nang-agaw ng lupain ng mga Palestino
matapos ang digma'y inangkin na ng mga Hudyo
ang lupang Palestino, tinaboy ang mga tao
chosen one daw sila kaya sa Six-Day War nanalo

lahat ng tao'y pantay, ayon sa Pandaigdigang
Deklarasyon ng Karapatang Pantao, pahayag
ng Nagkakaisang Bansa, taliwas sa chosen one
dapat walang chosen one, pantay ang sangkatauhan

kung may chosen one, di pantay-pantay ang bawat isa
taliwas at magkasalungat ang gayong ideya
tila kasaysayan lang ng Israel ang Bibliya
kasaysayan lang ng lahing Hudyo, di ng iba pa

kay Jacinto'y "Iisa ang pagkatao ng lahat"
doon sa kanyang Liwanag at Dilim ay nasulat
kung may chosen one, may piling tao, sadyang salungat
sa pantay-pantay na trato't karapatan ng lahat

dahil dito'y dagli kong sinara ang telebisyon
sa nakikitang kasalungatan ng relihiyon
pagkakapantay-pantay ng lahat ang aming layon
na ipaglalaban, baguhin ang sistema'y misyon

- gregoriovbituinjr.

Ang mamatay para sa banal na dahilan

"Live for nothing, or die for something." - Stallone, 
sa pelikulang Rambo 4, The Fight Continues
https://www.youtube.com/watch?v=PN49Mw9KVUg

ang mabuhay lang ng walang saysay kundi kumain
o mamatay dahil may ipinaglabang layunin
mas pinili ko ang ikalawa, may adhikain
may prinsipyong tangan at may misyong dapat tuparin

ayokong tumanda lang at tumanda ng tumanda
na kain lang ng kain, subalit walang adhika;
si Gat Emilio Jacinto na bayaning dakila
sa kanyang aral sa Kartilya'y ganito ang wika:

"kahoy na walang lilim kundi damong makamandag
ang buhay na di ginugol sa banal na dahilan"
aral na makabuluhang sadya't may katuwiran
na sinusunod ko maging sa loob ng tahanan

"live for nothing or die for something," ang sabi ni Rambo
doon sa pelikulang may bakbakang todo-todo
mabuhay lang sa wala kundi kumaing totoo
o mamatay dahil may ipinaglabang prinsipyo

sadyang may saysay ang mga pananalitang iyon
sa buhay-aktibista ko'y tunay na inspirasyon
matayo ang lipunang makatao'y aming layon
at nagsisikap tuparin ang banal naming misyon

- gregoriovbituinjr.

Patuloy ang pakikibaka

nasa lockdown man, subalit hindi nagbabakasyon
kundi nasa isip pa rin ang pagrerebolusyon
dahil patuloy ang salot na kontraktwalisasyon
dahil patuloy pa ang tokhang at pagpaslang ngayon

nasa lockdown man, patuloy pa rin ang pangangarap
na sigaw na panlipunang hustisya'y kamting ganap
na ginhawa'y kamtin ng dukha't maibsan ang hirap
na mapatalsik na ang namumunong mapagpanggap

kaya di kami titigil hangga't di nagwawagi
uusigin ng sambayanan ang mapang-aglahi
pag-uusig sa mamamaslang itong aming mithi
uusigin ang bu-ang na siyang utak at sanhi

di kami uuwi hangga't di matupad ang layon
umuwi man kaming bangkay ay natupad ang misyon

- gregoriovbituinjr.