dapat magpalakas, kumain ng butil ng bawang
sa gabi't araw, nguyain kahit isang butil lang
pampalakas ng resistensya't katawang tigang
baka panlaban din sa coronavirus na halang
sa mahabang lakaran, bawang itong nginangata
tumibay ang tuhod, sa lakaran nga'y pampasigla
sa panahong kwarantina, ang pasensya'y humaba
dahil pampalakas itong sa atin kumalinga
dalawang butil ng hilaw na bawang kada kain
sa agahan, tanghalian, hapunan ay nguyain
hilaw mong ngangatain o kaya'y isangag mo rin
pampasarap din ang bawang sa niluluto natin
halina't palakasin ang ating pangangatawan
pampatibay ng buto, lunas din sa karamdaman
gamot sa alta presyon, maganda sa kalusugan
sa sakit ng ngipin nga'y mabisang gamot din naman
O, bawang, ikaw ay kasama na ng tao noon
narito ka na sa mundo sa ilang libong taon
inalagaan mo ang bayan noon hanggang ngayon
kaya alagaan ka rin ay isa naming misyon
- gregoriovbituinjr.