Martes, Abril 4, 2023

Kalbaryo ang demolisyon at ebiksyon

KALBARYO ANG DEMOLISYON AT EBIKSYON

kalbaryo sa dukha ang demolisyon at ebiksyon
na nangwawasak ng bahay at buhay nila roon
ngayong semana santa'y pagnilayan natin iyon
karapatan ba ng dukha'y balewala na ngayon?

masakit daw kasi sila sa mata ng mayaman
tingin pa sa dukha'y walang mga pinag-aralan
di makinis ang kutis at mga mukhang basahan
kaya animo'y daga silang pinagtatabuyan

ang maralita'y tumitira kung saan malapit
ang trabaho, itaboy mo sila'y napakasakit
madalas silang hamakin, walang magmalasakit
magtrabaho mang marangal ay laging ginigipit

tatayuan ng mall ang kinatirikan ng bahay
binili ng pribado ang tinirikan ng bahay
inaagaw ang lupang kinatirikan ng bahay
nilayo sa pinagkukunan ng ikabubuhay

demolisyon at ebiksyon ay talagang kalbaryo
sa maralita, tinataboy ng modernong Hudyo
sa malalayong relokasyong wala pang serbisyo
at inilayo pa sila sa kanilang trabaho

kailan ituturing na kapwa tao ang dukha?
at karapatan nila'y di na binabalewala?
kailan magpapakatao ang tuso't kuhila?
pag sistemang bulok na'y pinawi ng maralita?

- gregoriovbituinjr.
04.04.2023

* litratong kuha sa aktibidad na tinawag na "Kalbaryo ng Maralita" sa Maynila, 04.04.23

Babalik ka rin gaya ng dati

BABALIK KA RIN GAYA NG DATI

tila iyon aking karanasan
ngunit pamagat pala ng awit
bagamat di naman maiwasan
suriin ko ang aking sinapit

nagugunita ko ang kahapon
nang iniwanang nakatulala
tila nagbabalik ang panahon
sa pagsintang minsang iniluha

babalik ka rin gaya ng dati
dahil umalis ako't bumalik
"Babalik ka rin", "Gaya ng dati"
mga kantang kaysarap marinig

binabalik-balikang awitin
pagkat may aral sa iwing buhay
handa na anuman ang sapitin
kaharapin man ay dusa't lumbay

- gregoriovbituinjr.
04.04.2023

* litrato mula sa krosword na Hanap-Salita sa pahayagang Pang-Masa, Abril 1, 2023, pahina 7

Kaylaki na ng utang mo

KAYLAKI NA NG UTANG MO

ah, grabe, may utang ka na nang ikaw ay isilang
halos sandaan dalawampung libong piso naman
kung bawat tao ay ganyan ang ating babayaran
subalit magbabayad niyan ay ang buong bayan

makakabayad kaya tayo kung ang bawat tao
na may utang ay di kayang magbayad ng ganito?
at kung magbabayad naman bawat isa'y kanino?
paisa-isa bang magbabayad sa bawat bangko?

ito na ba ang kahihinatnan ng Pilipinas?
magagaya sa Sri Lanka pag di nakabayad?
na kinuha ng Tsina ang parte ng bansang mahal
na teritoryo'y inokupa, iyon na ang bayad?

bansa'y ipinaglaban ng ating mga ninuno
upang sa mananakop, tayo't lumaya't mahango
baka dahil sa utang, lahat nang ito'y maglaho
anong dapat nating gawin, puso ko'y nagdurugo

- gregoriovbituinjr.
04.04.2023

* P13.75T / 115,559,009 (populasyon ng Pilipinas 2022) = P118,986.829 kada tao
* litrato mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Marso 31, 2023, p.2