Lunes, Setyembre 29, 2025

Anila

ANILA

anila, nasa panahon pa
ako ng pagdadalamhati
ngunit ngayon nangangalsada
laban sa mapang-aping uri

anila, kayhirap mawalan
ng asawang tangi't inibig
sa danas kong kapighatian
sa lungkot ay huwag padaig

anila, ako'y magpalakas
ng katawan, ng diwa't pusò
pangarap kong lipunang patas
ay tuparin kong buong-buô

anila, mundo ko'y mapanglaw
pagkat araw-gabing tulalâ 
sino bang sa akin tatanglaw
kundi ako ring lumuluhà

- gregoriovbituinjr.
09.29.2025

Kamaong kuyom

KAMAONG KUYOM

itataas ko yaring tikom na kamao
sa anumang kilos o rali sa lansangan
itataas ko yaring kaliwang kamao
bilang pagtindig sa kapakanan ng bayan

ikukuyom ko lagi ang aking kamao
tanda ng buong puso kong pakikibaka
nang sistemang bulok ay baguhing totoo
dahil hindi-hindi na pwede ang pwede na

mananatiling tikom ang aking kamao
habang bukas ang diwa sa panunuligsâ
habang isinasabuhay yaring prinsipyo
hinggil sa uring manggagawa't maralitâ

mandirigma man akong ang kamao'y kuyom
adhika kong mawalâ ang sistemang bulok
makatâ akong kumikilos kahit gutom
malabanan lang ang burgesya't trapong hayok

- gregoriovbituinjr.
09.29.2025