Linggo, Marso 30, 2025

Ang labada ni mister

ANG LABADA NI MISTER

bilin ni misis, maglaba ako
kaya di ko dapat kalimutan 
ang sa akin ay biling totoo
na agaran kong gagawin naman

ang labada'y agad nilabhan ko
panty, bra, blusa, medyas, pantalon
kumot, sweater, kamiseta, polo
punda ng unan, brief, short na maong

bilin niya'y agad sinunod ko
ganyan tayo, di nagpapabaya
di gaya sa komiks ni Mang Nilo
na naging flying saucer ang batya

salamat sa komiks sa Pang-Masa
dyaryong sa tuwina'y binibili
komiks man ay nagpapaalala
kaya sa Pang-Masa'y nawiwili

- gregoriovbituinjr.
03.30.2025

- komiks mula sa pahayagang Pang-Masa, Marso 28, 2025, p 7

Meryenda

MERYENDA

meryenda ko'y pandesal at tsaa
habang may naninilay tuwina
na samutsaring paksa ng masa
na sinusulat ko kapagdaka

madaling araw, nananaginip
ngayong umaga'y may nalilirip
mga isyung aking halukipkip
at solusyong walang kahulilip

lipunang makatao'y pangarap
nang dukha'y makaahon sa hirap
na asam na ginhawa'y malasap
at maibagsak ang mapagpanggap

kayrami pang tulang kakathain
mga kwento't isyung susulatin
pati nobelang pangarap gawin
ay palagiang iniisip din

tara, magmeryenda muna tayo
habang nagpapalitan ng kwento
halina, at saluhan mo ako
kahit payak ang meryendang ito

- gregoriovbituinjr.
03.30.2025

Tatlong magkakapatid, magkayakap na nasunog

TATLONG MAGKAKAPATID, MAGKAYAKAP NA NASUNOG

tuwing Marso ay Fire Prevention Month subalit
bago magtapos ang Marso ay tatlong paslit
ang namatay sa sunog nang magkakayakap
kung ako ang ama'y tiyak di ko matanggap

mga batang edad tatlo, apat at anim
ang namatay sa sunog, talagang kaylagim
magkakapatid silang may kinabukasan
subalit tinupok ng apoy ang tahanan

ay, bakit nangyari ang kalagayang ito?
anang ulat, ama't ina'y nasa trabaho
nang magkasunog ikasiyam ng umaga
nang tatlong magkakapatid ay nadisgrasya:

Sachna Lexy, Razan Kyle, at Athena Lexy
doon sa Barangay Mambaling, Cebu City
mga pangalang di dapat makalimutan
paalala sila na ating pag-ingatan

at huwag basta iwan yaong ating anak
nang sila lang sa bahay nang di mapahamak
kung may napag-iwanan lang na responsable
sa komunidad, baka di iyon nangyari

- gregoriovbituinjr.
03.30.2025

* ulat ng Marso 30, 2025 sa pahayagang Bulgar at Abante Tonite, tampok na balita (headline) at pahina 2
* ๐— ๐—ฎ๐—ฟ๐—ฐ๐—ต was declared as โ€œ๐—™๐—ถ๐—ฟ๐—ฒ ๐—ฃ๐—ฟ๐—ฒ๐˜ƒ๐—ฒ๐—ป๐˜๐—ถ๐—ผ๐—ป ๐— ๐—ผ๐—ป๐˜๐—ตโ€ by virtue of Proclamation No. 115-A, s.1966 which promotes consciousness about safety and accident prevention. On the other hand, Proclamation No. 360, s.1989, proclaimed this month as โ€œ๐˜ฝ๐™ช๐™ง๐™ฃ ๐™‹๐™ง๐™š๐™ซ๐™š๐™ฃ๐™ฉ๐™ž๐™ค๐™ฃ ๐™ˆ๐™ค๐™ฃ๐™ฉ๐™โ€ that disseminates campaigns on burn prevention and to enhance education in all phases of burn cases. mula sa kawing na https://web.nlp.gov.ph/fire-prevention-month/

7.7 lindol sa Myanmar at Thailand, 1K patay

7.7 LINDOL SA MYANMAR AT THAILAND, 1K PATAY

kayraming gumuhong gusali
nasa sanlibo ang nasawi
sa magnitude seven point seven
na lindol sa Myanmar at Thailand 

dal'wang libo't apat na raan
ang naulat na nasugatan
magnitude six point four aftershock
pa'y talagang nakasisindak

nagpapatuloy pa ang rescue
operation baka may buhay
pang natatabunan ng lupa
o pader ng mga gusali

anumang kaya'y ating gawin
nang mga buhay pa'y sagipin
kung kakayanin, mag-ambagan
nang nalindol ay matulungan

at ipadala sa ahensyang
natalagang magbigay-tulong
tulad sa mga na-Yolandang
buong mundo yaong tumulong

- gregoriovbituinjr.
03.30.2025

* ulat mula sa pahayagang Abante, Marso 30, 2025, tampok na balita (headline) at pahina 3