Miyerkules, Oktubre 14, 2020

Napadpad man sa malayong ilang

oo nga't napadpad lang ako sa malayong ilang
subalit sa iwing katungkulan pa'y gumagampan
pagkabahag ng buntot sa akin ay walang puwang
kahit pa manuluyan sa amak ng karukhaan

nakakaakit man ang buhay sa gubat na liblib
ay parang nasa hukay na puputukin ang dibdib
dapat uwian kung saan ang iwing puso'y tigib
mabuti nang harapin ang sawang naninibasib

di mawawala sa taludturan ko't pangungusap
na pinagluluksa ang pagkawala sa pangarap
di na masulingan ang buntong hininga't paglingap
na inaasahan sa katungkulan kong tinanggap

ang halal ng mayorya'y dapat magawang magtanggol
sa prinsipyo't tindig na iwing buhay ay inukol
ayokong ituring na tusong unggoy na masahol
pa sa hayop, kahit pulang rosas pa ang mapupol

- gregoriovbituinjr.

Ang malabong larawan

malabo ang larawang namumuo sa isipan
silang karaniwan ay naroon sa panagimpan
animo ako'y hinehele sa malayang duyan
subalit kaylabong di maaninag sa kawalan

ang pagpapakatao'y di dapat maisantabi
mahalagang bilin sa atin ng mga bayani
sa pakikipagkapwa'y huwag mag-aatubili
pagkat ito'y tatanganan natin hanggang sa huli

kahit madarang man tayo sa apoy ng ligalig
at hinehele sa kandungan ng bunying pag-ibig
lubak man ang lansangan ay di pa rin mayayanig
anumang sigwa'y haharapin at tayo'y titindig

pusikit ang karimlan, sumulpot ang bulalakaw
maganda ba itong senyales na ating natanaw
ang mga naaninag ba'y palinaw ng palinaw
at baka paglaya'y masulyapan sa balintataw

- gregoriovbituinjr.

Pagbaka sa mananagpang

sumasanib sa kawalan ang gahum ng bangungot
na tila nagnanasa ang hukluban ng kalimot
may tumutusok sa tagiliran, pasundot-sundot
nakakailang kaya sa ulo'y pakamot-kamot

di mo pa magapi ang sa loob mo'y katunggali
patuloy pa rin nilang ang kapwa'y inaaglahi
nagpapakatao ka ngunit sila'y namumuhi
sa kagaya mong tangan pa rin ang nilulunggati

mag-ingat pa rin baka mahulugan ka ng sundang
mula sa buwan, tila ikaw ay palutang-lutang
huwag mong hayaang sa lusak ikaw ay gumapang
dahil nagapi ka na ng kalabang salanggapang

"sasagpangin ka namin, tulad mo'y di sinasanto!"
"ayoko, ayoko, ayoko! sinabing ayoko!"
"tulad mo'y balewala lang sa aming paraiso!"
"tanggap ko kahit na sa labang ito'y nagsosolo!"

- gregoriovbituinjr.