Martes, Marso 11, 2025

Nagpatiwakal nang dahil sa pag-ibig?

NAGPATIWAKAL NANG DAHIL SA PAG-IBIG?

O, pagsintang labis ng kapangyarihan
ang sabi nga noon ni Kiko Balagtas
sa panahong ito ay nabalitaan
dalawang binata, sarili'y inutas

nagpatiwakal nang dahil daw sa sinta
isa'y sa Lucena, at isa'y sa Romblon
nagkakalabuan, tila di kinaya
ang nasa damdamin, at nangyari iyon

bakit ba nangyari ang gayon, Kupido
sa puso ng dilag, may ibang kahati?
tadhana'y nagbiro, binata'y seryoso
may third party nga ba't may ibang nagwagi?

kayraming balitang pagpapatiwakal
ang pag-ibig nga ba'y sa hangal o banal?

- gregoriovbituinjr.
03.11.2025

* ulat mula sa pahayagang Pang-Masa, Marso 4, 2025, tampok na balita (headline) at pahina 2

Tanim-bala, ayon kay Lolit Solis

TANIM-BALA, AYON KAY LOLIT SOLIS

lumang drama na umano ang Tanim-Bala
sinulat ni Lolit Solis sa kolum niya
naulit na naman ba iyan sa NAIA?
kaytindi ng sabi niya: Nakakaloka!

paanong sa bagahe bala'y naisaksak
buti na lang, tatlong empleyado'y sinibak
sa modus nila'y kayraming mapapahamak
pawis ng biktima'y talagang tatagaktak

nakagagambala sa mga pasahero
iyang modus operandi ng mga loko
sana'y matigil na ang modus nilang ito
pigilan ang modus ng mga walang modo

mabibiktima nila'y talagang kawawa
tanim-bala sana'y tuluyan nang mawala
dapat nang matukoy sino ang may pakana
at mga suspek ay maparusahang sadya

- gregoriovbituinjr.
03.11.2025

* ulat mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Marso 11, 2025, p.6, at pahayagang Bulgar, Marso 11, 2025, p.1 at 2

Ngunit, subalit, datapwat

NGUNIT, SUBALIT, DATAPWAT

nang kinapanayam si Canelo Alvarez
o ang boksingerong si Juan Manuel Marquez
sinasabi nila'y 'pero' na 'but' sa Ingles
sa salitang ito'y di ako nakatiis

isa ang 'pero' sa aking iniiwasan
sa pagkatha ng tula, kwento't sanaysay man
may salita kasi tayong katumbas niyan
na dapat palaganapin sa taumbayan

wikang Espanyol o Meksikano ang 'pero'
gamitin ito'y di masikmurang totoo
mayroon tayong salitang pamalit dito:
'ngunit, subalit, datapwat' katumbas nito

paumanhin kung sa katha ko'y di magamit
mabuti pang gamitin ang 'ngunit', 'subalit'
kaya sa mga akda ko'y iginigiit
ang taal nating salita nang di mawaglit

- gregoriovbituinjr.
03.11.2025

P.S.

may Pinoy na salita sa 'pero'
'ngunit, subalit, datapwat' ito
tara, gamitin nating totoo
sa ating sanaysay, tula't kwento