Linggo, Agosto 3, 2014

Alexander Pushkin, makatang Ruso sa Maynila

ALEXANDER PUSHKIN, MAKATANG RUSO SA MAYNILA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
14 pantig bawat taludtod

ang makatang si Pushkin, sa Maynila bumabâ
di ang anyong pisikal kundi kanyang gunitâ
bantayog ay naroon sapagkat ito'y tandâ
na Rusya't Pilipinas, magkaibigang bansâ

batikang manunulat si Alexander Pushkin
nobelistang maykatha nitong Eugene Onegin
Boris Godunov, Ruslan, tula't ibang sulatin
ay babasahing tiyak sa diwa nitong angkin

kinatha'y sari-sari, nagsabog ng liwanag
sa panitikan siya'y sadyang di matitinag
mga akdang may sinag tayong mababanaag
tula'y nagpapaningnging sa pagsintang kayrilag

nobelistang animo'y tandang kapag tumindig
ang mga katha'y punglong hindi matitigatig
ibang uring makatâ, di basta palulupig
ang tari'y pluma't baril na pawang magkasandig

dalawampu't siyam na duwelo'y nilabanan
di iyon balagtasan o anumang tulaan
nang baril na't di pluma ang kanyang tinanganan
punglo, di tula, yaong naghatid sa libingan

si Alexander Pushkin, pangunahing makatâ
sa Rusya'y itinuring na makatang pambansâ
sa daigdig, idolong dinarakilang sadyâ
wala ngang kamatayan ang ngalan niya't kathâ

Pasakit ang dilaw na kurus

PASAKIT ANG DILAW NA KURUS
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

dilawan ay kinilalang ang masa ang kanyang Boss
na panata'y pag-unlad mula sa paghihikahos
ngunit Boss pala'y kapitalistang mapambusabos
kontraktwalisasyon sa manggagawa'y nilulubos
tahanan ng maralitang lungsod ay inuubos
pasakit nga sa taumbayan ang dilaw na kurus

maraming batas ang iniikot, dinidistrungka
maraming butas ang lumapat sa mga programa
na labag sa Konstitusyon, anang Korte Suprema
yaong mga dilawan, namumutla, namumula
bakit biglang labag sa batas ang ginawa nila
mga laso'y muling nauso, dilaw, itim, pula

dilaw na parol ang inaasam ng taumbayan
na tanda ng pagtakas sa kanilang karukhaan
subalit dilaw na kurus ang hadlang at nakamtan
di pala maaasahang tunay iyang dilawan
pagkat sa uring kapitalista nangangamuhan
kauri nilang elitista'y pinaglilingkuran

ang dilaw na kurus sa taumbayan nga'y pasakit
sadyang di Boss ng dilawan ang masang nagigipit
dilawang agila'y iniwan na ang masang pipit
pag-unlad na pangako'y tuluyang ipinagkait
sinumang kawatan sa pugad ay dapat mapiit
o hihintayin pang ang masa'y tuluyang magalit?