PALAYAIN ANG ISIP SA MGA HAKA AT KUTOB
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod
palayain ang isip sa mga haka at kutob
kongkretong suriin yaong bagay mula sa loob
anong kalakasan ng problemang nakakubakob
anong kahinaan nitong sa inyo'y nakalukob
kontradiksyon ang batayan ng pag-unlad ng bagay
may tunggalian sa loob nitong sadyang masikhay
dapat unawain ang tunggaliang sumisilay
dahil sa bawat pagsusuri'y naroon ang saysay
di mga kutob at haka ang tugon sa problema
at di rin dahil sa haka't kutob dapat magpasya
paano ba dapat ilapat ang wastong taktika
o sa pangmatagalan ay wastong estratehiya
may tunggalian ng manggagawa't kapitalista
gayundin ang panginoong maylupa't magsasaka
kung ang mga kontradiksyong ito'y mareresolba
magwawakas ang panlipunang pagsasamantala
nilikha ng manggagawa ang yaman ng lipunan
kapitalista'y inaangkin ang nalikhang yaman
manggagawa ang lumikha ng laksa-laksang yaman
na inaagaw nitong kapitalistang gahaman
dapat tapusin ang rimarim na sistemang ito
di ng haka't kutob kundi pagkilos na kongkreto
ibabangon ng manggagawa ang dangal ng tao
wawakasan ang pandaigdigang kapitalismo