Biyernes, Hunyo 24, 2016

Ang magsunog ng kilay

ANG MAGSUNOG NG KILAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

bakit ba kailangang magsunog ng kilay
mga turo ng guro'y unawaing tunay
pagkat nais ng gurong tayo'y magtagumpay
at ating matamo ang pangarap sa buhay

magsunog ng kilay gaano man kahirap
ito ang pag-asang makaalpas sa hirap
ito ang pag-asa ng mga mahihirap
lalo na ng ama't inang hirap na hirap

upang maitaguyod ang kanilang supling
bakasakaling kami'y maging magagaling
sa larangang nais yapusin at marating
at mapahusay ang pagkalabit sa bagting

pag magsunog ng kilay gabi ma'y maunos
ay pag-alpas sa buhay na kalunos-lunos
upang kahit dukha ma'y di maging busabos
at hirap na minana'y tuluyang matapos

Pag masisipag ang mga guro

PAG MASISIPAG ANG MGA GURO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

pag masisipag ang mga guro
natututo ang maraming bata
nababatid na sa bawat turo
ay pag-alpas sa pagkadalita

pagkat inihahanda ay bukas
na tigib ng pagkasalimuot
sa bawat turo ay mababakas
paanong salubungin ang agos

pag ang mga guro'y masisipag
mga bata'y mayroong pag-asa
estudyante'y di nagiging bulag
sa pagharap sa unos at dusa

sa gurong kaysisipag, salamat
pag di kami nag-aral mabuti
sa sarili lang dapat isumbat
nasa huli raw ang pagsisisi