Miyerkules, Mayo 12, 2021

Sa paglalakad

SA PAGLALAKAD

naglalakad-lakad basta't huwag lang matalisod
at magbubunga rin ang bawat pagpapakapagod
marahil, ilang taon pa'y tatangan na ng tungkod
habang mga obrero'y mababa pa rin ang sahod

tila walang katapusang paglalakad sa buhay
na sa bawat hakbang ay patuloy na nagninilay
natatandaang bilin ng mga bayani'y gabay
magpakatao't makipagkapwa'y gawin mong tunay

sa Kartilya ng Katipunan ay naroon ito
pati na rin sa Liwanag at Dilim ni Jacinto
gabay sa kinabukasan, gabay sa kapwa tao
habang itinatakwil ang pag-aaring pribado

tila raw ibang daigdig ang aking nililikha
pagkat atang na tungkulin ang isinasagawa
gayunman, patuloy ang lakad tungo sa adhika
tutupdin ang payo ng mga bayaning dakila

bagamat ako'y tila anino lamang sa iba
umano'y walang magagawa pagkat nag-iisa
subalit di lang ako ang naglalakad mag-isa
baka may mas magawa nga kung kami'y sama-sama

di natin madadala sa hukay ang kayamanan
kaya mabuti pa ang pangalan at karangalan
ipaglaban ang dignidad ng kapwa mamamayan
pati ang inaasam na hustisyang panlipunan

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala habang naglalakad kung saan-saan

Ulam na sibuyas, bawang at kamatis

ULAM NA SIBUYAS, BAWANG AT KAMATIS

simpleng pamumuhay at puspusang pakikibaka
at sa kamatis, bawang at sibuyas na'y nagkasya
paminsan-minsan, sa umaga't tanghali'y ulam na
pampalakas ng katawan at masarap talaga

ulam na ito'y hinaluan ko rin ng bagoong
na lunas na rin sa pagkagutom at pagkaburyong
pagbaka rin, ani Balagtas, sa kutya't linggatong
upang anumang banta't panganib ay masusuong

kayganda raw ng kamatis, pampakinis ng kutis
sa sibuyas naman, bawat pagluha'y matitiis
at sa bawang, mga aswang ba ang mapapaalis
sa bagoong, lasa'y tila masarap na tawilis

pampalakas ng tuhod sa malalayong lakaran
pampatibay kahit akyatin man ang kabundukan
pampalusog kahit na sisirin ang karagatan
habang lumulutang ang isip tungong kalangitan

ganyan kasarap ang kamatis, bawang at sibuyas
sahog lang nila sa ulam, sa akin pampalakas
habang makataong sistema itong nilalandas
tungo sa lipunang lahat ay parehas at patas

- gregoriovbituinjr.

Sa pagdilim ng kalangitan

SA PAGDILIM NG KALANGITAN

aking pinagmamasdan ang malabong panginorin
habang nagninilay sa kabila ng paninimdim
katatapos lamang ng bagyo't kaylakas ng hangin
habang di nalilimot ang diwatang naglalambing

pugad ng mandaragit ang tinitimbang sa ulap
at unti-unting tinutupad ang mga pangarap
bagamat nababata ang nararanasang hirap
ang nakikitang pag-usbong ay di naman mailap

dinggin mo ang tinig ng iyong makataong budhi
at mababatid mo bakit gayon ang aking mithi
nais kong kapayapaan sa puso'y manatili
upang wala nang pagsasamantala pang maghari

minsan, nakita ko ang lambanang lilipad-lipad
habang naroroon ang pagong na sadyang kaykupad
tatalunin daw ang kunehong bigla sa pagsibad
at tunay nga, mas mabilis kaysa takbo ang lakad

pinagmasdan ang kalangitan sa kanyang pagdilim
at maririnig mo na ang nag-aawitang lasing
milyun-milyon na ang apektado ng COVID-19
iba'y di na nakita ang mahal bago ilibing

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala sa lalawigang napuntahan

Katarungan

KATARUNGAN

mula salitang ugat na tarong ang katarungan
mula rin sa Hiligaynon, Sebwano't Kapampangan
pagbibigay ng tamang pasiya ang kahulugan
o wastong pag-iral ng batas, batay sa katwiran

ito rin ang pagsalin sa Espanyol na hustisya
sa Ingles ay justice, nauunawaan ng masa
batay din sa golden rule, ang sabi naman ng iba
ayaw mong gawin sa iyo'y huwag gawin sa kapwa

pag buhay ang inutang, buhay din ang kabayaran?
o pag buhay ang inutang, dapat kang parusahan?
batay sa Konstitusyon, batay sa batas ng bayan
upang kamtin ng mga biktima ang katarungan

sadyang masalimuot, paano ito kakamtin?
mahalaga'y parusahan ang gumawa ng krimen
halimbawa'y E.J.K. ang ginawa ng salarin
pagkat utos ng pangulo'y dapat nang patalsikin?

sa mga nangyayaring krimen, sinong mananagot?
yaong nakagawa lang, o pati utak ay sangkot?
sigaw ng katarungan sa ugat ay nanunuot
utak ay di dapat maabsuwelto o makalusot

pag hustisya'y nakamit, kalooban na'y tiwasay?
kahit di na naibalik ang buhay ng pinatay?
hustisya'y nakamit pag napanagot ang pumatay?
pag loob na'y payapa, hustisya'y nakamtang tunay?

- gregoriovbituinjr.

* E.J.K. - extrajudicial killing, pagpaslang

* kahulungan ng katarungan, mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, pahina 594

Libre at ligtas na bakuna, ngayon na!

LIBRE AT LIGTAS NA BAKUNA, NGAYON NA!

"libre at ligtas na bakuna, ngayon na" ang sigaw
ng mga obrero, ito'y tindig nila't pananaw
dapat libre't ang para sa pamilya'y di magalaw
dapat ligtas, ang negatibong epekto'y balaraw

dumating na ang libu-libong bakuna sa bansa
ngunit mababakunahan kaya ang manggagawa?
silang gumagawa ng ekonomya nitong bansa
at nagpapakain sa korporasyong dambuhala

ito rin ang panawagan ng mga mahihirap
umaasang ang gobyerno'y tunay na mapaglingap
lalo na't buhay ng maralita'y aandap-andap
sa kabila ng para sa pamilya'y nagsisikap

panawagan na rin ng karaniwang mamamayan
na iniisip na rin ang kanilang kalusugan
habang inuuna pang lutasin ang kagutuman
lalo na't lockdown at curfew ang laging patakaran

tiyakin ding ayusin ang Philippine health care system
pangkalahatang pagpapaunlad ang adhikain
lumiit ang bilang ng biktima ng COVID-19
kalusugan ay karapatan, makatao'y gawin

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala sa pagkilos noong Araw ng Paggawa 2021

Bakuna

BAKUNA

dapat magpabakuna nang sakit ay maiwasan
subalit ilan lang kaya ang mababakunahan
sa ating higit isang daang milyong mamamayan

kung libo lang, di milyon, ang bakunang dumarating
kung ito'y milyong utang na namang tumataginting
kung sa Dengvaxia'y kayrami nang batang di nagising

tumitindi ang pananalasa ng COVID-19
kaya bansa'y bumili na ng samutsaring vaccine
nariyan ang Pfizer, Sinovac, Sputnik V, Janssen

pati na ang Covaxin, Moderna't Astrazeneca
at may Emergency Use Authorization na sila
ano pang hinihintay ninyo, magpabakuna na

di sapat ang isang turok kundi dalawa ito
unang dows muna, ilang araw pa't babalikan mo
para sa ikalawang dows, bakuna'y makumpleto

medical frontliners daw ang kanilang uunahin
isasabay sa kanila'y mga senior citizen
ngunit sapat nga ba ang mga bakunang dumating?

paano ang mamamayan sa malayong probinsya?
sa liblib na pook ba'y may nakalaang bakuna?
sa populasyon, ilang mababakunahang masa?

dalawang beses pa ang bakuna sa bawat tao
sa sanlibong bakuna, limang daang tao ito
mababakunahan lang ba'y walang limang porsyento?

- gregoriovbituinjr.