Sabado, Agosto 7, 2021

Paglalaba't pagsasampay

PAGLALABA'T PAGSASAMPAY

mga kwelyo'y pinagtiyagaang kusut-kusutin
kilikili't manggas ay pinagsikapang sabunin
pundiyo ng pantalon at singit ng salawal din
sinabon, kinusot, binanlawan, nagawa ko rin

sinampay ko sa labas at hinanger isa-isa
kung hindi uulan, baka bukas lang ay tuyo na
dahil lockdown at mag-isa lamang sa opisina
ay kayrami ring nagawa tulad ng paglalaba

oo, sa opisina, dahil bantay ako roon
doon naabutan ng lockdown, lungga ko na iyon
kay-agang matulog ngunit kay-aga ring bumangon
sa madaling araw itutula ang inspirasyon

munting bagay man ang maglaba'y mahalagang paksa
dahil mahalagang gawain ng isang makata
ang paglalaba'y tulad din ng pagkatha ng tula
mula sa pagsabon, pagkusot at pagbanlaw kaya

mga damit ay pipigain hanggang sa isampay
patutuyuin, pag natuyo'y isuot mong husay
tulad ng pagtulang sinimulan sa pagninilay
sinabon, kinusot, binanlawan ang paksang taglay

hanggang binanlawang damit ay tuluyang pigain
isampay, patuyuin, may mabangong susuutin
tulad ng tulang pinagnilayan ayy susulatin
na balang araw sa madla'y maaaring bigkasin

- gregoriovbituinjr.
08.07.2021

Pagpapakadalubhasa sa wika

PAGPAPAKADALUBHASA SA WIKA

lockdown ay pagkakataon sa tulad kong makata
halimbawa'y pagpapakadalubhasa sa wika
pagbabasa ng Balarila ng Wikang Pambansa
U.P. Diksiyonaryong Filipino'y basahin nga

tula'y daluyan ko ng pakikipagtalastasan
mga saliksik na salita'y dito ang lagakan
kung paano ginagamit, di lang ang kahulugan
pag-aambag ng salita'y pagsisilbi sa bayan

makalikha man lang ng isang tula bawat araw
ay tatlumpung tula bawat buwan ang natatanaw
paksa'y masaya man  o tinarakan ng balaraw
sa ambag at pananaliksik ay huwag bibitaw

di man guro sa anumang paaralan sa bansa
dahil makata, sa wika magpakadalubhasa
ginagamit sa tula ang katutubong salita
gamitin din sa kwento't sanaysay, di lang sa tula

PALABUSAKIT pala'y ningas-kugon, nasaliksik
HALIBYONG pala ang fake news, SIKLAT naman ay toothpick
PEYON TUGAW ang touch move sa chess, isa pang saliksik
SALIMBUBOG ang dikyang puti, ingat, at kaybagsik

bukod sa aliping sagigilid at namamahay 
ay may tinatawag pa palang ALIPING PAMUWAT
KUMAG ay pinong pulbos na nakadikit sa bigas
KUMAG din ay hanip o maliliit na kulisap

magbasa-basa't magsaliksik ang aking layunin
saliksik sa masa ibahagi'y aking tungkulin
ilahad sa sanaysay, kwento, tula, o awitin
ambag na upang wikang Filipino'y paunlarin

- gregoriovbituinjr.
08.07.2021

* ang mga salitang nasa malalaking titik ay mula sa mga nalikhang tula ng makata

Paksa'y nasa paligid lang

PAKSA'Y NASA PALIGID LANG

lockdown na naman, nasa bahay lang, walang magawa
ngunit kayraming gagawin, maraming malilikha
ikutin ang mata, nasa paligid lang ang paksa
sa mumunting bagay ay may maikukwentong sadya

pigtal na tsinelas, bulok na gulay, bato, baso
sapatos, lata ng sardinas, maruruming plato
isopropyl alcohol, alkohol na gin, lababo
plastik, titisan o ashtray, upos ng sigarilyo

labahin, salawal, pantalon, sando, tabo, balde
bote ng alak, serbesa, isang tasa ng kape
bintilador, takure, kaldero, siyanse, lente
baryang piso, limang piso, sampung piso, at bente

magsaliksik din, magbasa, diksiyonaryo'y tingnan
ano ang wing chun kung fu, yawyan, sikaran, shotokan
sino sina Bruce Lee, Jet Li, Donnie Yen, at Jackie Chan
sino sina Joker, Riddler, Penguin, Robin at Batman

pangsalok, pangligo, pampunas, panghugas, pandikit
paksa'y nasa paligid lang, maganda o malupit
ilantad mo ang pagsasamantala't panlalait
sadyang kayraming paksang masusulat mo ng sulit

- gregoriovbituinjr.
08.07.2021

* litratong kuha ng makatang gala sa kanyang paligid

Gamiting wasto ang wi-fi

GAMITING WASTO ANG WI-FI

binabayaran ang wi-fi tapos di gagamitin
ano ka, hilo? wi-fi ay imaksimisa mo rin
gamitin sa pananaliksik, huwag aksayahin
gamitin ng gamitin, lalo't binabayaran din

magkano ang isang buwan? nasa sanlibong piso?
o higit pa? at depende kung ano ang wi-fi mo?
kaysa di ginagamit at nauubos lang ito
tapos ay babayaran mo ang buwanang bill nito

kaya narito akong patuloy sa pagsaliksik
kahit sa munti kong lungga'y waring nananahimik
at nagsusulat ng mga akdang wala mang bagsik
ngunit mararamdaman mo ring tila ito'y lintik

pinaghirapang akda'y ibahagi sa internet
upang mabasa rin ng madla't di ito mawaglit
i-upload sa facebook o blog ang anumang nahirit
kaysa magmukmok, habang may wi-fi kang nagagamit

isip-isip ng paksa, pag-aralan ang lipunan
akda'y pagnilay-nilayan, paglingkuran ang bayan
gamitin ang panahon nang may wastong kamalayan
habang may wi-fi sa masa'y makipagtalastasan

- gregoriovbituinjr.
08.06.2021