Sabado, Hulyo 19, 2025

Puyat at Takipsilim ni makatang Glen Sales

PUYAT AT TAKIPSILIM NG MAKATANG GLEN SALES

naranasan ko ring puyat sa takipsilim
sapagkat magdamag kong inalam ang lihim
ng mga Sangre na lumalaban sa lagim
ng mga hunyangong di makita sa dilim

sinusulat ko ang anumang natitiis
taludtod ko't saknong ay binibigyang hugis
nang matunghayan yaong tula ni Glen Sales
kamakata, katoto, sa tula'y kabigkis

sa kamakatang Glen, mabuhay ka, mabuhay
dahil nalathala ka muli sa Liwayway
tulang Puyat at Takipsilim ay natunghay
kaya sa iyo'y taasnoong pagpupugay

magkasunod na buwan pa, Hunyo at Hulyo
habang ako'y di pa malathalang totoo
sana'y malathala ka muli sa Agosto
muling ipakita ang husay mo, saludo!

- gregoriovbituinjr.
07.19.2025

Di nangangamuhan ang pagtula

DI NANGANGAMUHAN ANG PAGTULA

di nangangamuhan ang pagtula
aniko sa kilalang binata
na nais tulungan akong kusa
upang magkapera bawat tula

mangamuhan daw sa pulitiko
pagandahin ang imahe nito
ang aking pagtula'y gamitin ko
upang nasabing trapo'y bumango

nang magkapera'y mangamuhan nga?
ngunit may prinsipyo ang makata
dukha man ay makatang malaya
malayang pasya sa isyu't paksa

ngunit kailangan ko ng sahod
buhayin ang sarili't kumayod
ngunit pagkatao'y di luluhod
sa trapong sistema ang taguyod

ayoko nang aapak-apakan
ayokong tula'y niyuyurakan
di baleng lugmok sa kahirapan
huwag lang mapagsamantalahan

- gregoriovbituinjr.
07.19.2025

Ulan

ULAN

anong lakas ng ulan
nagbaha na sa daan
nagputik ang lansangan
si Crising ba'y dahilan

tutungo sa palengke
upang doon bumili
okra, talong, sayote
baha, anong diskarte?

ah, ako'y paroroon
kaysa naman magutom
magpunta at magpayong
sa ulan di uurong

tatahakin ang sigwa
magbota pag may baha
kaysa naman ngumawa
at maghintay tumila

- gregoriovbituinjr.
07.19.2025

* mapapanood ang munting bidyo sa kawing na: https://www.facebook.com/share/v/1BwvNXACNh/