Lunes, Oktubre 3, 2011

Ang Masa'y Putik sa Panahon ng Kapitalismo

ANG MASA’Y PUTIK SA PANAHON NG KAPITALISMO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

ang masa'y putik sa panahon ng kapitalismo
ang burgesya'y bulag mamatay man ang mga ito
ang elitista'y bingi pag masa'y nagsusumamo
kapitalista'y pipi't tila walang pagkatao
sa ganito ngang sistema'y lagi na lang ganito

putik ang tingin sa masa ng mga hinayupak
kaya pag dukha'y nakakatuwaang hinahamak
putik ang masa kaya pinagagapang sa lusak
ng dusa't hirap sa daigdig na ito'y palasak
at sa mga sugat ng sakripisyo'y nag-aantak

sa kapitalismo'y kapit sa patalim ang masa
laging inaaglahi, lagi silang itsapuwera
may demolisyon, lakas-paggawa'y binabarat pa
sa sitwasyong bang ito tayo'y magpipikitmata
o makikibaka na't babaguhin ang sistema

ang mga dukha'y parating inaapak-apakan
ng mga mapagsamantalang uri sa lipunan
karangalan ng masa'y kanilang pinuputikan
kaya ang masa't manggagawa'y dapat nang lumaban
upang itayo ang kanilang sariling lipunan

dapat nang wakasan ang sa masa'y pang-aaglahi
putik na ikinulapol sa masa'y mapapawi
kung dudurugin na ang mapagsamantalang uri
ang kapitalistang sistema'y dapat nang mapawi
uring manggagawa't dukha'y panahon nang maghari