Linggo, Nobyembre 22, 2009

Pamasahe na'y pitong piso

PAMASAHE NA'Y PITONG PISO
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Naabutan ko pang trenta sentimos
ang pamasahe doon sa dyip
Iyon ay nung ako'y isa lang musmos
nang di pa ito iniisip
Ngunit ngayon, ito na'y syete pesos
na lumaki ng ilang ulit
Kaymahal na sa may buhay na kapos
at isang kahig isang tuka
Nasa isip paano makaraos
ang tulad nilang walang wala

Sistemang Tabingi

SISTEMANG TABINGI
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

itinuturing kaming kaliwa
ng mga nag-aakalang kanan
ang tingin sa amin kami'y sigwa
laban sa hangaring kaunlaran
ng mga kapitalistang tuta
at mga pulitikong gahaman

ngunit kaya kami kumikilos
dahil ngayong sistema'y tabingi
buhay ng masa'y kalunus-lunos
iyon sa aming puso'y mahapdi
kaya nararapat nang matapos
ang kanilang mga pagkalungi

di naman sa atin nalilingid
na masa'y pawang hirap at salat
kaya huwag tayong maging manhid
dapat lang kumilos tayong lahat
ang sistemang tabingi'y ituwid
kaya pagkilos ay nararapat

Polyetula

POLYETULA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

kaharap ang kawalan lumilikha
nakatingin sa malayo’t tulala
pagkat naglalaro ang kanyang diwa
kung paano mapaganda ang tula

bawat kinatha’y nagpapaliwanag
ng mga diwang kanyang inaambag

ang nililikha niya’y polyetula
para sa manggagawa’t maralita
nakatitik sa polyeto ang tula
na makapagmulat yaong adhika

ang makata’y isang propagandista
bawat kataga’y pagmulat sa masa

ang bawat polyetula’y nagmimithi
maglinaw sa tunggalian ng uri
kaya polyetula’y ipamahagi
sa obrero’t dukhang ating kauri

makatang propagandista’y narito
sa likhang polyetula’y taas-noo

Ipaglalaban ko ang ating pag-ibig

IPAGLALABAN KO ANG ATING PAG-IBIG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
12 pantig bawat taludtod

ipaglalaban ko ang ating pag-ibig
ipagsisigawan ko pa sa daigdig
na sa pagsinta mo ako'y nakasandig
di kita iiwan, itong aking tindig

Nahuhuli Mo Akong Nakasulyap

NAHUHULI MO AKONG NAKASULYAP
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

nahuhuli mo akong nakasulyap
tapunan mo naman ako ng lingap
ikaw'y laging nasa aking hinagap
ikaw ang kaytagal ko nang hinanap

halimuyak mo'y aking nalalanghap
mga ngiti mo'y kukuti-kutitap
sa ganda mo'y di ako kumukurap
dama kong pagmamahal mo'y kaysarap

sana'y di ako lambungan ng ulap
sana'y di kabiguan ang malasap
tapusin na ang aking paghihirap
sana pag-ibig ko'y iyong matanggap

ikaw lang ang aking pinapangarap
inspirasyon ka kaya nagsisikap

Makatang Kandakuba

MAKATANG KANDAKUBA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig, soneto

siya ang makatang kayraming nililikha
mga sulating pagbabago ang adhika
pawang himagsik ang nilalaman ng tula
pagmumulat sa isyu'y kanyang itinakda
napakatabil daw hindi ng kanyang dila
kundi ng panitik na akala mo'y sigwa
mga gahaman ay kanyang isinusumpa
kapitalismo'y dinuduraan sa mukha
sa bawat tula'y ramdam mo ang kanyang sigla
mga pinatamaan ay natutulala
siya ang makatang sa berso'y kandakuba
upang maisatitik ang nasasadiwa
makata'y kinagiliwan ng tagahanga
at kinapootan ng mga trapong linta

Hangarin nilang harangin ka, hirang

HANGARIN NILANG HARANGIN KA, HIRANG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
11 pantig bawat taludtod

kaysaya ko pag kasama ka, hirang
pagkat sa puso'y ikaw ang matimbang
puso ko'y lumulukso't nalilibang
dahil sa iyo tila ako'y hibang

nag-iisa ka sa puso ko, giliw
pag-ibig ko sa'yo'y di magmamaliw
ikaw lamang ang ligaya ko't aliw
sa pagmamahal di ako bibitiw

hinahangad kong kita'y pakasalan
ngunit ako'y tila pinipiringan
para bang ayaw akong masiyahan
ang nais nila ako'y malamangan

sinuman sila'y dapat pag-ingatan
pagkat ang kaluluwa nila'y halang
nasa'y huwag tayong magkatuluyan
hangarin nilang harangin ka, hirang

hindi ako papayag sa ganito
pilit ikukulong ang pusong ito
sa mainit at malayong impyerno
aking puso'y ilalayo sa iyo

pakinggan mo yaring puso ko't tinig
at malalaman mo ang aking tindig
ipaglaban natin itong pag-ibig
laban sa sinumang nais manlupig

harangan man nila ang pusong ito
ito'y lalaya ng dahil sa iyo
pagkat nag-iisa ka lamang dito
ipaglalaban kita hanggang dulo

kukulungin kita sa aking bisig
tayo'y di sa kanila padadaig
harangan man di tayo palulupig
sa sinuman sa ngalan ng pag-ibig