Martes, Pebrero 16, 2021

Mga basura sa bangketa

kayraming basura
doon sa bangketa
sino bang kukuha?
hahayaan lang ba?

walang pumapansin
kahit napapansin
anong dapat gawin
pabayaan lang din?

sinong may pakana
ng ganitong gawa
tingin ba ng madla
gobyerno'y pabaya?

sinong magtatapon
ng basurang iyon?
huwag magmarunong
mabuti'y tumulong

- gregoriovbituinjr.

- litratong kuha ng makatang gala sa isang bangketa niyang dinaanan

Samutsaring muni

minsan, di ko na madalumat
bakit ako nagkakasugat
di lang sa katawan o balat
kundi ang pusong nagkapilat

pinapasok ko man ang lungga
nitong mababangis na daga
dahil ang kapara ko'y pusa
na dadalaw sa minumutya

isasargo ko na ang bola
upang maipasok ang pula
bakasakaling makapasa
sa pagsusulit at balasa

kaharapin man ang pighati
sa pakikibaka'y lalagi
suliraning malaki't munti
malulutas di't di hihindi

pipitikin kita sa ilong
pag di mo nasagot ang tanong
kung pipitas ka man ng labong
ilutong kasama'y bagoong

- gregoriovbituinjr.

Pag-ako, Pangako, Pagpako

laman ng dibdib ng pagsuyo
na huwag sanang masiphayo
upang puso'y di magdurugo
sakaling makata'y mabigo

mga hugis ay nakikita
animo'y namamalikmata
pagsasama'y tumagal sana
magsinta'y maging maligaya

bawat pangako'y inaako
upang tupdin ng buong puso
inaako bawat pangako
upang di tuluyang mapako

ako ba'y hangal sa pag-ibig?
dahil sa mutya'y kinikilig
nais ko siyang makaniig
at kulungin sa aking bisig

- gregoriovbituinjr.