Huwebes, Oktubre 30, 2008

Ilayo ang Bata sa Droga

ILAYO ANG BATA SA DROGA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
tulang siyampituhan

Ilayo ang bata sa droga
At sa masamang impluwensya
Alamin kung sinong barkada
Ng anak ninyong may isip na.
Kung anak nyo'y mahal talaga
Siya'y ilayo mo sa dusa
Lalo na sa salot na droga.

Kaming mga Mandirigma

KAMING MGA MANDIRIGMA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
tulang siyampituhan

Kami ang mga mandirigma
Na dapat laging nakahanda
Upang kami'y may magagawa
Sa mga darating na sigwa.
Armas, isipan, luha't tuwa
Dapat ito'y lagi nang handa
Pag nakaharap na ang digma.

Hibik sa Mapagpalaya

HIBIK SA MAPAGPALAYA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
tulang siyampituhan

Tayo'y mga mapagpalaya
Sa bayan nating ang adhika
Ay makamit ng ating bansa
Ang mithing ganap na paglaya.
Panawagan natin sa madla
Lalo sa uring manggagawa
Kumilos tungo sa paglaya.

Anumang Suliranin

ANUMANG SULIRANIN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
tulang siyampituhan

Anumang mga suliranin
Ay may solusyong katapat din
Lalo na't pakaiisipin
Kung paano ito sagutin.
Kaya't dapat nating alamin
Anong solusyon ang gagawin
Sa kaharap na suliranin.

Kaluluwang Halang

KALULUWANG HALANG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
tulang siyampituhan

Ang kaluluwa nila'y halang
Pagkat walang kwentang nilalang
Maraming buhay ang inutang
Aktibista pa'y pinapaslang.
Silang sa tubo'y nahihibang
Sa kapwa tao'y mapanlamang
Pagkat ang kaluluwa'y halang.

Dapat Ayon sa Katarungan

DAPAT AYON SA KATARUNGAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
tulang siyampituhan

Dapat ayon sa katarungan
Ang pagparusa kaninuman
Upang ang walang kasalanan
Ay di malagay sa piitan.
At kung yaong kaparusahan
Ay mali ang pinagbatayan
Yao'y hindi makatarungan.

Kung Makatarungan

KUNG MAKATARUNGAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
tulang siyampituhan

Kung tayo ay makatarungan
Sa ating kapwa't kababayan
Tayo ay pahahalagahan
Ninuman at ng buong bayan.
Kung ang mga may kasalanan
Ay agad nating huhusgahan
Ito ba'y makatarungan?

Ang Mga Mapagsamantala

ANG MGA MAPAGSAMANTALA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
tulang siyampituhan

O, silang mapagsamantala
Ay halang nga ang kaluluwa
Walang pakialam sa kapwa
Kundi sa interes lang nila.
Mundo'y nais nilang mahulma
Na maging pangkapitalista
Para makapagsamantala.

Magtanim Tayo ng Palay

MAGTANIM TAYO NG PALAY
ni Gregorio V. Bituin Jr.
tulang siyampituhan

Halina't itong kabukiran
Ay ating sakahin at tamnan
Ng palay na ating panlaban
Sa napipintong kagutuman.
Pag alam natin ang palayan
Ang sagot sa gutom ng bayan
Bukid nati'y ating tatamnan.

Huwag Manapak ng Iba

HUWAG MANAPAK NG IBA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
tulang siyampituhan

Huwag tapakan ang sinuman
Nang ikaw ri'y pahalagahan
Anumang mga kaapihan
Ay dapat nating kapootan.
Tao tayo't di kasangkapan
Kaya huwag pababayaang
Dangal nati'y natatapakan.

Sa Patuloy na Kabulukan

SA PATULOY NA KABULUKAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
tulang siyampituhan

Kung patuloy ang kabulukan
Nitong ating pamahalaan
Aba'y kilos na, kababayan
Baka pulutin sa kangkungan.
Baguhin na nating tuluyan
Ang sistema nitong lipunan
Upang bulok ay mapalitan.