Sabado, Agosto 22, 2009

Larawang Hungkag

LARAWANG HUNGKAG
ni Gregorio V. Bituin Jr.
7 pantig bawat taludtod

Doon sa aking lungga
Ako nga'y napalinga
Sa larawan at mukha
Ng dalagang tulala.

Kayganda niyang sadya
At kay amo ng mukha
Ngunit anang balita
Ang sarili'y nawala.

Ang buhay nitong dilag
Ay agad naging hungkag
Magmula nang binihag
Ng mga sigang bangag.

Di siya nakapalag
Nang ang puri'y nilaspag
Ngayon nga'y di matinag
Tulala't parang bulag.

Sayang na kagandahan
Ng aking paraluman
Na nais kong ligawan
At maging kasintahan.

Pinangarap ko siya
Pagkat isang diyosa
Na sa diwa'y halina
At sa puso ko'y sinta.

Sana'y kanyang makaya
Ang dinaanang dusa
Nang makabangon siya
Sa pagkadapa niya.

Nawa'y di na maulit
Ang nangyaring kaylupit
Dahil nakagagalit
Yaong kanyang sinapit.

Laiban Dam, Tutulan

LAIBAN DAM, TUTULAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.
10 pantig bawat taludtod

(binasa ang dalawang saknong ng tulang ito sa environment forum noong Agosto 21, 2009 ng tanghali sa Kamayan Edsa, na ang paksa'y ang balak na pagtatayo ng Laiban Dam na makakaapekto sa mamamayan ng lalawigan ng Rizal at Quezon at ang pagtutol ng marami sa proyektong ito, kinagabihan pagharap sa kompyuter ay nadagdagan ang buong tula)

Itong Laiban Dam ay para lang
Sa pagpapayaman ng iilan
Ito'y di para sa kalahatan
Kundi sa tubo ng kalakalan.

Ang nais lang nila'y tutubuin
Kaya dapat lang silang biguin
Matindi ang panganib sa atin
Sa kabuhayan, paligid natin

Maraming bahay ang magigiba
Maraming mawawalan ng lupa
Ang mga katutubo'y luluha
At kalikasan pa'y masisira

Laiban Dam ay dapat tutulan
Pagtayo nito'y ating labanan
Ang kalikasan ay alagaan
Pati katutubong mamamayan.

Ito'y hindi lang lokal na isyu
Kaya huwag tumahimik dito
Pagkat lahat tayo'y apektado
Di lang ang nasa paligid nito.

Ang tubig ay ating karapatan
Hindi lang ng nasa kalunsuran
O narito sa Kamaynilaan
Higit pa'y sa tagalalawigan.

Laiban Dam ay di kailangan
Ito'y dapat nating mapigilan
Para sa bawat kinabukasan
Ng tao, bayan at kalikasan.

Sa labang ngang ito'y inaasam
Na ang bawat isa'y makiramdam
Dapat tayo rito'y makialam
Nang di matuloy ang Laiban Dam.