Martes, Disyembre 27, 2022

Paghahanap ng sagot

PAGHAHANAP NG SAGOT

kung di magbasa'y nakatingala
sa langit ng kawalan at sumpa
paano ba tayo sasagupa
kung wala tayong alam sa hidwa

ng nagtutunggaliang puwersa
nitong uring mapagsamantala
marapat lang tayong makibaka
nang mabago ang imbing sistema

nais kong magbasa sa aklatan
ng matematika o sipnayan
ng kasaysayan ng sambayanan
ng paksang ekonomya't lipunan

pormula ba'y dapat sauluhin?
isyu't paksa ba'y kabisaduhin?
o mas dapat itong unawain?
kung bakit may ganyang suliranin?

nagbabakasakaling masagot
ang mga dahilan ng sigalot
nang baya'y mapalaya sa salot
na sistemang bulok at baluktot

- gregoriovbituinjr.
12.27.2022

Palaisipan

PALAISIPAN

samutsaring palaisipan
na sagot ay di na malaman
kailangang imbestigahan
bakit ganito'y nagsulputan

sinisira yaring daigdig
ng gahama't mapangligalig
paano sila mauusig
kung wala sa ating titindig

paano gaganda ang klima
kung coal plants ay tuloy ang buga
patuloy pa ang pagmimina
pagsunog ng fossil fuel pa

kinakalbo ang mga bundok
usok ay nakasusulasok
mga pulitiko ba'y bugok?
dahilan ng sistemang bulok?

ah, pangalagaan ang mundo
na tanging tahanan ng tao
kinabukasan ng kapwa mo
ay pag-isipan ding totoo

- gregoriovbituinjr.
12.27.2022

Malay

MALAY

bakit lagi kang nakikita sa tabi ng parang?
na mga likhang pain ay naroong nakaumang
bakit ka natumba, dahil ba sa bigat ng timbang?
kaya nilanggas ang sugat ng kawalan sa ilang

bakit laging nararanasan ay pagkatuliro?
dahil ba sa maghapong gawain at hapong-hapo?
bakit ang paraluman ay di mo na sinusuyo?
dahil ba naramdaman ay dusa't pagkasiphayo?

bakit nagbabagong klima'y nagdudulot ng sigwa?
tumitindi ang bagyong sa lungsod nagpapabaha
bakit kayraming pulitikong nagpapakatuta?
at sa buwis ng madla'y sadyang nagpapakataba

kayraming tanong na di agad basta nasasagot
lalo kung mapagsamantala ang nakapalibot
na sa salapi't kapangyarihan ay mapag-imbot
kaya bayan ay di makaahon, nakalulungkot

- gregoriovbituinjr.
12.27.2022