Biyernes, Hunyo 17, 2016

Di natin maituturo ang lahat-lahat

DI NATIN MAITUTURO ANG LAHAT-LAHAT
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

di natin maituturo ang lahat-lahat
magagabayan lang natin silang magbuklat
ng aklat at impormasyon ay mahalungkat
at pagkasabik sa dunong ay maiangat

hayaan nating matuto ng estudyante
at hayaang makita niya sa sarili
masagot ang mga tanong na nakakubli
at sa proseso'y tuluyang magmuni-muni

maipapakita lamang natin ang daan
tungo sa kanyang asam na kinabukasan
paano haharapin ang kapanganiban
isang matinding guro raw ang karanasan

lahat-lahat ay di natin maituturo
sa estudyante, gabay lamang tayong guro
hamunin silang mga aral ay mahango
mula sa baul ng dunong na di naglaho

Guro at karapatan ng mga bata

GURO AT KARAPATAN NG MGA BATA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

marami pong karapatan ang bawat bata
tulad ng pag-aaral at maging malaya
dapat karapatang ito'y ating unawa
lalo nitong gurong tagahubog ng diwa

karapatan ng batang siya'y maisilang
lalo na kahit bata pa siya'y igalang
karapatan ding makapaglaro't maglibang
ang talino't kakayahan nila'y malinang

karapatan din ng bata ang edukasyon
at makapagsabi ng sariling opinyon
karapatan ng batang mabigyang proteksyon
laban sa pang-aabusong dinanas noon

karapatan din ang maayos na tirahan
makatira sa mapayapang pamayanan
magkaroon ng ligtas na kapaligiran
ang sila'y ipagamot kung may karamdaman

karapatang titiyakin nitong guro
na sa mga bata't ibahagi at ituro
mga karapatang di basta maglalaho
at ipaglalaban mula ilaya't hulo