Linggo, Hulyo 5, 2020

Di sanay manahimik

di ako sanay manahimik bagamat tahimik
tabil ng pluma ko'y naglilingkod na parang lintik
pag naisasaloob ko ang masang humihibik
bawat hirap nila't pagdurusa'y sinasatitik

nagmamarka iyon sa buo kong kaibuturan
nagsisilbing apoy na nagpaningas sa kalamnan
upang itaguyod ang bawat ipinaglalaban
ako man ay malayo sa sentro ng kalunsuran

puso'y humihibik sa nakikitang pagdurusa
malayo man, pluma ko'y matinding nakikiisa
sinasabing sa bawat pagkilos ay may pag-asa
upang kamtin ang asam na panlipunang hustisya

hirap ng mga kasama sa diwa'y sumasagi
habang patuloy pa rin ang pakikipagtunggali
hindi tayo titigil hangga't hindi nagwawagi
huwag hayaang bulok na sistema'y manatili

- gregbituinjr.

Lagi sa palikuran

nagtataka sila't ako'y lagi sa palikuran
paano ba naman, iyon na ang aking kanlungan
doon ko sinusulat ang nangyayari sa bayan
doon sinusuri ang nagaganap sa lipunan

doon ko binubuo ang isang bagong daigdig
na punung-puno ng pagbaka, pag-asa't pag-ibig
lumago ang halamang tanim dahil sa pagdilig
nagagawan ng paraan ang anumang ligalig

kanlungan ko ang palikuran habang nakaupo
sa tronong pinag-aalayan ng bawat siphayo
masarap ang pakiramdam pagkat di ako dungo
pagkat maraming nakikinig ng buong pagsuyo

sa binuo kong daigdig, ako'y katanggap-tanggap
kahit ako'y isang makatang sakbibi ng hirap
lahat nga ng danas at kasawian kong nalasap
ay iniluluhog sa tronong tunay ang paglingap

- gregbituinjr.

Hanap ang nawawalang galing

hanap ko ang angkin kong galing pagkat nawawala
di ko malaman saan naiwan, nakakaluha
di ko tuloy mapagana ang aking iwing diwa
upang nasasaloob ay maisulat kong pawa

baka inagaw ng sinuman ang galing kong angkin

paano ko kaya mararating ang toreng garing
kung naiwan ko lang kung saan ang angkin kong galing
binabalikan ang gunita'y di makagupiling
o marahil ito'y dahil kaytagal kong nahimbing

inagaw nga ba ng sinuman ang galing kong angkin

paano maghahanda sa mahabang paglalakbay
tungo sa pook kung saan na magpapahingalay
dahil ba ako'y himbing, angking galing ko'y tinangay
mabuti pa'y gumising, at taluntunin ang pakay

- gregbituinjr.

Pamumulot ng nagkalat na plastik

mamumulot akong muli ng nagkalat na plastik
tapon dito, tapon doon, minsan di makaimik
di na inisip kung saan plastik ay sumisiksik
kawalang disiplina sa basura'y hinahasik

ayokong pagmasdan ang maruming kapaligiran
kaya pupulutin ang basura sa kadawagan
bakit ang mga lupa'y ginagawang  basurahan
imbes na tamnan ito ng mapapakinabangan

walang magawa kundi pulutin ang mga plastik
labhan, banlawan, patuyuin, gagawing ekobrik
pag tuyo na ito'y gugupitin at isisiksik
sa boteng plastik, patitigasing katulad ng brick

plastik na'y naglipana sa lupa, gubat, at laot
sa nangyayaring ito'y sino ang dapat managot
kundi tayo ring sa gawang ito'y nagpahintulot
anong gagawin upang ito'y tuluyang malagot?

- gregbituinjr.