Huwebes, Mayo 4, 2023

Talupapak, ambulong, talupad, atbp.

TALUPAPAK, AMBULONG, TALUPAD, ATBP.

sa diksiyonaryo'y mayroon akong hinahanap
nang mata ko'y mapadpad sa salitang talupapak
kahulugan nito'y agad naunawaang ganap
pati na rin ang taluroktalusad, at talupad

iyang talupapak pala, ayon sa depenisyon,
ay paunang tipan sa pangkalahatang ambulong
o isang kasunduan sa kasiya-siyang pulong
ibig namang sabihin ng talupad ay batalyon

minsan, maganda ring magbasa ng diksiyonaryo
di lang magsaliksik ng mga kahulugan dito
makitang may katumbas na salita sa ganito
tulad ng talura na sa Pangasinan ay tatlo

dulas ang kahulugan ng talusad at taluras
ang talurok ay matarik, matulis, at mataas
sa talupaya, tila sa pagkatayo'y nanigas
talupak sa palma'y balat sa bahaging itaas

marami pala tayong matutumbas na salita,
kung batid lang natin, sa mga salitang banyaga
mga ito'y mahalaga sa tulad kong makata
lalo na sa pagtataguyod ng sariling wika

- gregoriovbituinjr.
05.04.2023

* ang litrato'y mula sa UP Diksiyonaryong Filipino (UPDF), pahina 1218
* ambulong, mula sa UPDF, p. 47, na ibig sabihin ay 1. kasiya-siyang usapan, 2. kasunduan

Nang kumain kami sa labas

NANG KUMAIN KAMI SA LABAS

literal na kumain kami sa labas, tingnan mo
halatang nasa bangketa kami, nasa litrato
gulong nga ng mga traysikel ay kita mo rito
may lamesa't upuan naman sa bangketang ito

nag-deyt ang magsyota, este, mag-asawa na pala
habang sarap na sarap kaming kumain talaga
nakita lang sa pesbuk ang nasabing karinderya
at inalam na namin ni misis kung masarap ba

tama lang ang lasa paris ng iba, ang kaibhan
sinadya pa namin ni misis upang mag-agahan
bagamat di naman iyon pagkaing vegetarian
ay ayos na rin, mura lang para sa budgetarian

kahit na sa bangketa kumain, disente pa rin
walang langaw, talagang mapapasarap ang kain
eto pa, sa pagkain nilabas ang saloobin
deyt ng magsing-irog sa bangketang malinis man din

- gregoriovbituinjr.
05.04.2023

Ang kuting na antukin

ANG KUTING NA ANTUKIN

sa limang kuting, siya ang antukin
pag naglalaro ang mga kapatid
ay sasabayan niya ng paghimbing
buti't gawi niya'y aking nabatid

na maganda para sa kalusugan
lalo't mga bata pa naman sila
aba'y wala pa nga silang sambuwan
subalit pawang naglilimayon na

subalit antukin talaga ito
matutulog na pagsapit ng hapon
e, kasi naman, ora-de-peligro
kaya kauna-unawa na iyon

O, kuting, ako rin ay inaantok
kaya sasabayan kitang matulog

- gregoriovbituinjr.
05.04.2023

Taas-kamao

TAAS-KAMAO

mga kasama, mabuhay kayo
sa pagkilos nitong Mayo Uno
kaisa akong taas-kamao
sa Dakilang Araw ng Obrero

mabuhay kayo, mga kapatid
obrero'y tampok, wala sa gilid
diwa ng paggawa'y inyong hatid
lipunang asam ay inyong batid

mabuhay ang lahat ng sumama
pagpupugay sa mga kasama
magpatuloy sa pakikibaka
hanggang mabago na ang sistema

di sa Mayo Uno natatapos
ang ating sama-samang pagkilos
maghanda tayo sa pagtutuos
nang sistemang bulok na'y makalos

- gregoriovbituinjr.
05.04.2023

* litratong kuha ng makatang gala sa Recto tungong Mendiola, 05.01.2023

Tarang magkape

TARANG MAGKAPE

halina't magpainit, tara nang magkape
at magbalitaan ng magandang mensahe
natuloy ba sa dilag ang iyong diskarte?
magtataas na naman ba ng pamasahe?

patuloy pa rin ba ang kontraktwalisasyon?
manpower agencies ba'y linta pa rin ngayon?
na walang ginawa sa pabrika maghapon
habang kikita ng limpak sa korporasyon

bakit nademolis ang mga maralita?
papeles ba nila'y kulang? anong ginawa?
mahirap na'y pinahihirapan pang lubha
habang tuwang-tuwa ang nangamkam ng lupa

magkape na't pag-usapan ang mga isyu
at kung paanong sa masa uugnay tayo
paano pakilusin ang dukha't obrero
upang itayo ang lipunang makatao

- gregoriovbituinjr.
05.04.2023

Himbing na kuting sa madaling araw

HIMBING NA KUTING SA MADALING ARAW

madaling araw ay sinilip ko ang limang kuting
na para bang ang aking alaga'y mga tsikiting
naroon sila, kumpleto pa rin, himbing na himbing
habang ako rito'y nagninilay, gising na gising

at nakatunganga na naman sa harap ng papel
nagninilay bakit patuloy pa ang fossil fuel
o kaya'y katiwalian ng mga nasa poder
pag natapos na'y agad ititipa sa kompyuter

mabuti nga't may alagang kuting na natatanaw
himbing na himbing pa sila ngayong madaling araw
pag pumutok na ang araw sila'y magsisingiyaw
ano kayang ipakakain kong luto o hilaw?

sila'y talaga kong pinagmasdan bago magsulat
sa diwa'y may paksa na namang makapagmumulat

- gregoriovbituinjr.
05.04.2023

Ang aming hiyaw

ANG AMING HIYAW

Uring Manggagawa! Hukbong Mapagpalaya!
ang aming hiyaw noong Araw ng Paggawa
magkakauri'y isang hukbo, talaga nga
tila magbubuwal sa tusong dambuhala

panawagang naukit na sa diwa't puso
sa ilang dekada nang pagkilos patungo
sa landas na walang pang-aapi't siphayo
na pagsasamantala'y pangarap maglaho

kalaban ng salot na kontraktwalisasyon
manpower agencies ay linta hanggang ngayon
dapat ibagsak ang lahat ng panginoon
dapat walang naghaharing uri o poon

aalisin natin lahat ng kasamaan
at lahat ng panunupil sa ating bayan
ipapalit nati'y makataong lipunan
itatayo'y daigdig na makatarungan

kayong manggagawa ang tunay na dakila!
kayong nagpapakain sa lahat ng bansa!
magpatuloy kayo, hukbong mapagpalaya!
muli, pagpupugay sa uring manggagawa!

- gregoriovbituinjr.
05.04.2023

* litratong kuha sa España, Maynila, Mayo Uno, 2023
* maraming salamat po sa kumuha ng litrato, CTTO (credit to the owner)
* BMP - Bukluran ng Manggagawang Pilipino