Lunes, Agosto 2, 2021

Katapat na panawagan sa lupit ng estado

KATAPAT NA PANAWAGAN SA LUPIT NG ESTADO

sigaw ng mamamayan, ibasura ang Terror Law
katapat na panawagan sa lupit ng estado
ang dating tatlong araw sa malala nang asunto
ngayon ay labing-apat na araw, wala pang kaso

ang Terror Law ay di lamang laban sa terorista
kundi sa mamamayang may daing, nakikibaka
silang di bulag na tagasunod o sumasamba
sa isang anitong palamura at palamara

sa nasabing batas ay kayrami ngang nagpetisyon
nasa higit tatlumpung bilang ng organisasyon
samahang pangkarapatan pa ang mayorya doon
patunay na nakakatakot ang batas na iyon

puntirya'y mga pumupuna sa pamahalaan
na pangarap ay kamtin ang hustisyang panlipunan
para sa lahat, karapatang pantao'y igalang
at ipinaglalaban ang dignidad ng sinuman

"Ibasura ang Terror Law!" yaong kanilang hiyaw
pagkat sa karapatan ay nakaambang balaraw
sana'y dinggin ang sigaw nilang umaalingawngaw
dahil Terror Law ay talagang umaalingasaw

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala sa pagkilos sa Mendiola noong Hulyo 19, 2021 bilang paggunita sa unang anibersaryo ng Terror Law sa bansa

Pagbabalik sa buhay-Spartan

PAGBABALIK SA BUHAY-SPARTAN

matapos ang halos dalawang linggong magkasama
umuwi muli sa misis sa kanilang probinsya
balik sa buhay-Spartan ang abang aktibista
tuloy sa pakikipamuhay kapiling ang masa

at nagpapakatatag pa rin sa prinsipyong taglay
na puspusang pakikibaka't simpleng pamumuhay
umuwi rin sa munting lungga't doon nagninilay
habang sa tungkuling tangan ay sadyang nagsisikhay 

laging simpleng almusal, tanghalian at hapunan
kaning sinabawan ng noodles at tuyo na naman
murang pagkaing kaya lang ng bulsa, patatagan
ah, ganyan ang pamumuhay ng makatang Spartan

ngunit masarap ang ulam pag kasama si misis
ayokong sa kahirapan ko siya'y magtitiis
nais kong masarap ang buhay niya't walang mintis
sapagkat ayokong marinig ang kanyang pagtangis

subalit sa lalawigan nila'y muling umuwi
doon ang trabaho niya't doon nananatili 
habang ako'y patuloy sa paglilingkod at mithi
nang asam na lipunang makatao'y ipagwagi

- gregoriovbituinjr.
08.02.2021

Ang maging magsasaka sa lungsod

ANG MAGING MAGSASAKA SA LUNGSOD

mabuti't nakapagpapatubo na rin sa paso
ng mga tanim na halamang kitang lumalago
di naman magsasaka ngunit nakapagpatubo
ng tanim sa lungsod na di pansin ang pagkahapo

ganyan ang iwing buhay sa nanalasang pandemya
kahit nasa kalunsuran ay maging magsasaka
magtanim ng gulay sa paso, munggo, talong, okra
at iba pa't pagsikapang alagaan tuwina

kahit ako'y lumaki man sa aspaltadong lungsod
nadama kong ang gawaing ito'y nakalulugod
tamang pagtatanim ay inaral at sinusunod
at gawaing ito sa madla'y itinataguyod

sa labas lang ng bakuran naglagay ng pananim
sa mga paso lang na mula gusali ang lilim
wala mang lupang malawak, may lupa'y pwede na rin
mahalaga'y makapagpatubo't may aanihin

di man sadya'y naging magsasaka sa kalunsuran
kahit paano'y makatulong sa pamilya't bayan
sa pandemyang ito nga'y kayrami kong natutunan:
maging malikhain at pag-aralan ang lipunan

anumang natutunan ay ibahagi sa madla
na bansa'y binusog ng magsasaka't manggagawa
na sa pawis, dugo't pagsisikap, may mapapala
sa mga kabataan, tayo'y maging halimbawa

- gregoriovbituinjr.

Gintong medalya sa larong sudoku

GINTONG MEDALYA SA LARONG SUDOKU

salamat, Hidilyn Diaz, isa kang inspirasyon
upang pagbutihin din ang aming adhika't layon
tulad ng sudoku na naka-gold medal din ngayon
di man sa Olympics, subalit dito lang sa cellphone

labinlimang sudoku puzzle ang dapat masagot
upang gintong medalya sa larong ito'y maabot
maliit man ang larangang ito'y masalimuot
tulad ng chess, sa anumang balakid nakalusot

gayunman, inspirasyon ang iyong gintong medalya
upang aming larangan ay pagbutihing talaga
noon, laksang librong sudoku'y binibili ko pa
hanggang sa paligsahan ng sudoku nga'y nanguna

iyon ay higit isang dekada nang nakaraan
sa Manila International Book Fair, paligsahan
sa sudoku ng isang aklatan at palimbagan
nang ako'y manguna't may premyo pang napanalunan

panalo ko'y dalawang daan limang libong piso
nagamit upang sa Clark airport syota'y masundo ko
na ngayon ay aking misis, salamat sa sudoku
na hanggang sa ngayon ay libangang nilalaro ko

napanalunan ma'y di ginto'y parang ginto na rin
pagkat nanguna ako sa paligsahang hangarin
salamat sa sudoku at sa iyo rin, Hidilyn
upang aming trabaho't layunin ay pagbutihin

- gregoriovbituinjr.
08.02.2021