Biyernes, Hunyo 27, 2025

Paglisan sa Lias

PAGLISAN SA LIAS

lilisan muna pansamantala
upang magtungo sa kalunsuran
buhay na ito'y ganyan talaga
may nauuna, may naiiwan 

subalit ako'y magbabalik din
upang dalawin ang kanyang puntod
undas, bagong taon at bertdey din
kahit ang sapatos ko na'y pudpod 

bagamat di masabing paalam
kundi hanggang pagkikitang muli
maghihilom din ang pakiramdam
sa loob ma'y naroon ang hapdi

lilisan ngunit muling babalik
ang sa kwaderno'y isasatitik 

- gregoriovbituinjr.
06.27.2025

Pagkakape bago umalis

PAGKAKAPE BAGO UMALIS

narito't nagpainit ng tubig
upang magkape bago umalis
kapaligiran ay anong lamig
ngunit naligo rin at nagbihis

sadyang anong sarap ng sinangrag 
na aking kinape ng umaga
ramdam na ang loob ay panatag
habang nasa diwa'y sinisinta

tara, magkape bago lisanin
ang nayon patungong kalunsuran 
huwag ding kalimutang kumain
maglakbay ng may laman ang tiyan

salamat sa masarap na kape
pampagising lalo't bibiyahe 

- gregoriovbituinjr.
06.27.2025

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://www.facebook.com/share/v/1Ceqf1uadF/ 

Kahig at tuka

KAHIG AT TUKA

inahin at kanyang inakay
ay kahig ng kahig sa lupa
pagkain ang hanap na tunay
silang sangkahig at santuka

sa kanila nga raw kinuha
yaong sikat na talinghaga
sa buhay ng dalitang masa
ang "isang kahig, isang tuka"

ako naman, aklat ko'y iba
ang "Isang Kabig, Isang Tula"
na paglalarawan sa dusa
ng maralita't manggagawa

ngayon ako nga'y napatitig
sa inahing kahig ng kahig

- gregoriovbituinjr.
06.27.2025

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://www.facebook.com/share/v/12Mr64sdXUS/ 

Paruparong puti

PARUPARONG PUTI

paruparong puti ay aking nabidyuhan 
madaling araw noong nakipag-inuman
habang aking mata'y papikit-pikit naman
paruparong puti ba'y anong kahulugan?

siya ba'y tanda ng kaluluwang dumalaw?
siya ba'y nilalang na pangmadaling araw?
para sa tigib ng lungkot o namamanglaw?
isa ba siya sa mga diwatang ligaw?

paniniwala't pamahiing samutsari
na lumilitaw pag may nagdadalamhati 
iba't ibang kulay, may paruparong puti 
"Ikaw ba iyan?" sa labi ko'y namutawi

mabuti na lang at nabidyuhan ko agad
ang pagdalaw niya't mabilis na paglipad
sa pantalon ko pakpak niya'y inilahad
kaygandang mariposang sa akin napadpad 

- gregoriovbituinjr.
06.27.2025

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://www.facebook.com/share/v/19K5FUycre/ 

Pulutang isda

PULUTANG ISDA

tumagay kaming pulutan ay isda
pritong galunggong o kaya'y tilapya
madaling araw ito ang ginawa
habang kwatro kantos ang tinutungga

ulam: galunggong kaninang umaga
kahit tanghali, ulam pa rin siya
kahit hapon, iyon pa rin talaga
pagdating ng gabi'y pinulutan na

kaysimple lang ng buhay, may tanggero
kaylumbay man ng nararamdaman ko
mahalaga'y makisamang totoo
sa kamag-anakan ni misis dito

pakikisama'y sadyang importante
sa panahon ngayong di mo masabi
ngunit patuloy na tutula kami
lalo na't pagtula sa kinakasi

- gregoriovbituinjr.
06.27.2025

Pagtagay

PAGTAGAY

nakita ko silang tumagay
bihira man akong bumarik
habang nadarama ang lumbay
nanilay ay sinasatitik

kwarto kantos tinagay namin
silang sa lamay nagsitulong
kamag-anak ni misis man din
na kasama pa hanggang ngayon

di gaya doon sa Maynila
pinapaikot ng tanggero
dito'y tatagay ka lang sadya
kung gusto, kanya-kanyang baso

tanging masasabi'y salamat
sa katagay, sa lahat-lahat

- gregoriovbituinjr.
06.27.2027